Monday, July 7, 2008

Napipintong dynasty sa ERC

Sa ika-31 ng Hulyo ngayong taon ay matatapos na ang termino ni Rodolfo B. Albano, Jr. bilang chairperson ng Energy Regulatory Commission (ERC). Maingay ang mga usap-usapan na mukhang magkakaroon pa yata ng dynasty sa ERC. Si Albano mismo ay nagpahayag na bukas siyang ang papalit sa kanya ay ang manugang niyang si Atty. Mylene Garcia-Albano, asawa ng anak niyang si Rodolfo III na kasalukuyang Congressman sa Isabela at miyembro ng House Committee on Energy. Kapag nangyari ito, ito na ang simula ng dynasty sa ERC.

Napakahalaga ng ERC sa pagbibigay kasagutan sa mataas na singil sa kuryente ngayon. At kahit na sabihing ipinapatupad lamang nito kung ano ang nakasaad sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), batas sa industriya sa kuryente, ang maayos na pagpapatupad nito at may interes na kumikiling sa publiko laluna sa mahihirap ay napakahalaga sa isang chair ng ERC.

Kaya napakahalagang tingnan at mapakialaman natin kung sino ang susunod kay Albano. Marami rin ang nagkakainteres sa posisyon ng ERC chairperson dahil hindi lang electric power ang hawak ng nakaupo rito, ganun na rin ang “political power” dahil may control ang ERC sa napakahalagang bagay na nagpapatakbo sa ekonomiya at kailangan sa pang-araw-araw na buhay.

Naging chairperson si Albano noon 2004 nang palitan n’ya sa katungkulan si ERC Commissioner Ibay. Subalit, sa loob ng apat na taong panunungkulan ni Albano, kapos ang kanyang nagawa upang mapababa ang presyo ng kuryente.

Kahit na sabihin nating magaling itong manugang ni ERC chair Albano, huwag nang siya ang sumunod pang maging chairperson ng ERC. Marami pa namang magagaling rin at karapatdapat na pumalit pa kay Albano. Tama na ang political dynasty sa lokal at maging sa national na pamahalaan. Kung tutuusin, dapat na nga rin itong maputol.

Isa si Fe Barin lang noon sa mga kaunting napiling maging chairperson ng ERC na hindi pulitiko. Sa kasaysayan kasi ng ERC, kadalasang pulitiko ang napipiling maging chairperson ng ERC. Nariyan si Commissioner Sanchez na tumakbong congressman noong 2001. Bago niya ay nariyan ang notorious na si Rex Tantiongco na kiling sa interes ng mga nasa negosyo – mga oil companies, maging ng Meralco o Lopezes.

Wala pa yatang dalawang taong namalagi sa ERC noon si Barin. Sa panahon niya nadiskubre ang sobrang recoveries ng Meralco mula sa purchased power adjustment (PPA) noong 2002. Noong taon ding iyon, kasabay ng suspension ng 85-sentimo kada kilowatthour na singil sa PPA na napupunta sa Napocor, ibinawas rin sa bayarin ng mga konsyumer ang 40-sentimong over-recoveries ng Meralco para sa PPA na napupunta sa mga independent power producers (IPPs) nito.

Kaya, ang laki ng ibinaba ng presyo ng kuryente noong 2002 bilang resulta ng pagbawas sa binabayarang PPA at pagbabalik sa sobrang singil ng Meralco para sa PPA. Instrumental si Fe Barin sa malaking kabawasan sa bayarin sa kuryente ng mga Meralco customers. Sana ang susunod na ERC chair ay hindi pulitiko at interes ng publiko, laluna ng mga marginalized ang iisipin. Higit sa lahat, sana ay maging transparent ang pagpili ng susunod na ERC chair.


July 7, 2008

KABABAIHAN, BAWIIN ANG KALSADA!

Mahigit 50 non-government organizations (NGOs) sa mga barangay ng Central, Teachers Village East, Teachers Village West, Pinyahan, at Sikatuna sa Quezon City ang gumawa na ng hakbang upang mabigyang solusyun ang lumalalala at nakakaalarmang problema sa seguridad sa mga nasabing lugar. Marami na kasi ang mga kaso nang pang-iisnats ng bag ng mga kababaihan, marami ay mga nagtatrabaho sa NGOs, sa mga lugar na ito. Minsan pa nga ay dalawang ganitong krimen ang nangyayari sa isang araw, parehong kagagawan ng isnatser na naka-motorsiklo at hindi makilala ang mukha dahil sa suot na helmet.

Nakakalungkot na nakakainis na ang ganitong mga pangyayari ay nagaganap sa likod ng Quezon City Hall at ganundin malapit sa Camp Karingal.

Upang mabigyang solusyun na ang ganitong mga insidente, ang mga kababaihang nagtatrabaho sa mga NGOs, ang ilan sa kanila’y mga residente rin ng mga nasabing barangay ay nagkaroon ng dayalogo noong umaga ng Hulyo 4, 2008 sa upisina ni Quezon City Mayor Belmonte. Naroon din ang mga kinatawan ng Philippine National Police tulad ng District Director ng Quezon City Police District na si Atty. Magtanggol B. Gatdula at mga Station Commanders, mga kapitan at iba pang mga kinauukulan sa limang nabanggit na mga barangay.

Inilahad ng mga kababaihan sa dayalogo ang mga nangyaring pang-iisnats sa kanilang bag, maging ang panloloob sa kanilang mga upisina sa nasabing mga lugar. Tatlo sa mga nagbigay testimonya ay may dalawang beses nang naging biktima, minsan pa’y sa loob lamang ng isang buwan.

Talamak ang pagnanakaw sa mga lugar na ito na isang middle class community. Ang masaklap, ang mga nagtatrabaho para sa pagbabago sa lipunan at maging sa pag-ahon sa kahirapan ng ilang mga mamamayan ang naging biktima pa ng ganitong mga krimen.

Batid nating ang mga krimeng ito ay dala rin ng kahirapan. Pero kasabay sa pagbibigay katugunan sa usaping kahirapang ang pagtugon rin dapat sa kaayusan at seguridad sa ilang mga lugar. Sa bahagi ng mga nagtatrabaho para sa pagbabago, sa mga NGOs, ang mga krimeng nagawa sa kanila ay panandaliang nakaantala sa kanilang mga gawain upang isulong ang pagbabago at pagtugon sa usapin ng kahirapan sa bansa.

Ang isang magandang resulta ng dayalogong nangyari ay nagsama-sama ang lokal na pamahalaan sa siyudad at barangay, ang pulisya, mga lokal na asosasyon, mga residente, maging ang mga NGOs na nasa mga lugar na ito sa Quezon City. Nagkaisa ang lahat na magbuo ng isang Task Force upang maibalik ang katahimikan sa mga lansangan doon at maging ligtas ito lalung lalo na sa mga kababaihan. Hiling lang naman ng mga kababaihan na makapaglakad silang muli sa mga lansangan nang malaya, masaya, at panatag ang loob na sila’y ligtas sa lugar na iyon.


Hulyo 5, 2008

Monday, June 30, 2008

“Katas sa VAT: Pantawid Kuryente”

Halos magtatatlong linggo na simula nang magpamahagi ang gobyerno noong Hunyo 10 ng subsidyo para sa kuryente sa mga mahihirap sa ilalim ng programang “Katas ng VAT: Pantawid Kuryente.” Subalit gaano na nga ba kadami ang nakinabang mula sa programang ito?

Ang P500 “power subsidy” o “power aid” ay siyang tugon o solusyong naisip ng gobyerno upang maibsan diumano kahit papaano ang paghihirap ng mga pinakamahihirap na mamamayan o ang tinatawag na “poorest of the poor” sa pagbabayad ng mahal na kuryente na umaabot na sa P9 hanggang P9.50 kada kilowatthour sa Meralco areas. Sa Metro Manila, sila ang mga “lifeline consumers” o mga kumukunsumo ng 100 kilowatthour o mas mababa pa dito kada buwan.

Makukuha ng mga konsyumer ang P500 subsidyo sa itinalagang 62 sangay ng Land Bank sa Metro Manila. Makakakuha rin ng subsidyo ang iba pang nasasakop ng Meralco tulad ng Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, at Nueva Ecija.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa unang linggo pa lamang diumano ng pamamahagi nitong subsidyo ay tinatayang umabot na sa mahigit 160,000 na mga kumukunsumo ng kuryente sa Metro Manila ang nakakuha na. Ang P80.5 milyong naipamahagi na sa kanila ay wala pang limang porsyento ng kabuuang P2 bilyong nakalaan para sa programang ito. Sinasabing may 2-milyong mga lifeline consumers kasi ng Meralco ang makakatanggap ng subsidyo.

Sa kabila ng haba ng mga nakapilang mga konsyumer na kumukuha ng kanilang P500 subsidyo sa iba’t ibang sangay ng Land Bank, marami pa ring mga mahihirap na mga konsyumer ang batid nating hindi pa nakakuha o kaya ay hindi makakakuha ng subsidyo na dagdag pambili sana nila ng kanilang pagkain.

Ang siste kasi sa pagkuha ng subsidyo sa Land Bank ay dapat ipakita ng konsyumer ang kanyang electric bill noong nakaraang buwan kung saan makikita rito na ang konsumo niya ay 100 kilowatthours lamang o di kaya ay mas mababa pa dito. Higit sa lahat, dapat ay nakapangalan sa kanya ang electric bill.

Batid natin na karamihan ay hindi nakapangalan sa mga nagbabayad ng kuryente ang kanilang electric bill. Sa halip, ito ay nakapangalan sa may-ari ng tirahan o kaya sa kung sino man ang nagrehistro ng kuryente nila. Ang iba naman, ay nakapangalan sa mga kamag-anak na matatanda na, namatay o lumipat na ng tirahan.

Ganito rin ang sistema noong 2003 nang i-refund ng Meralco ang sobrang singil nito noong 1994. Maramin ang hindi makakakuha ng cash refund dahil sa sistemang tulad ng pinatutupad ngayon. Kaya ang karamihan ay nagkasya na lamang na ibawas sa kanilang bayarin sa kuryente ang refund sa kanila.

Totoong kahit kulang na kulang at panandalian lamang ang P500 subsidyo sa kuryente ay malaking bagay na rin ito sa mga naghihikahos na pamilya. Subalit, muling may palpak na naman yata dito at hindi nang lahat na mga tinatarget na mahihirap na mga konsyumer ay makikinabang o maaambunan din nitong subsidyo. Sana man lamang ay may opsyon rin silang direktang ibawas na lang sa kanilang bayarin sa kuryente ang P500 kung hindi nila makukuha ito ng cash dahil sa mga rekisitos na maaaring hindi nila magawa.


June 28, 2008

MAKATAONG PAMUMUHAY PARA SA TAGA-PAROLA COMPOUND


Sa gitna ng matinding krisis mula sa mataas na presyo ng bigas, pagkain, kuryente, laluna ng mataas na presyo ng langis na dinaranas ngayon ng mga maralitang lungsod, nariyan pa ang nakaambang pagkawala rin ng kanilang mga tahanan sanhi ng kaliwa't kanang demolisyong ipinapatupad sa ngalan kuno ng kaunlaran o development. Marami sa mga maralitang lungsod na ito ay matatagpuan sa Parola kung saan kitang kita ang paghihikahos ng mga pamilya.

Noong nakaraang linggo lamang, kahit na ang mga nakaririwasang may-ari ng mga trak sa Pier, karatig ng Parola, at mga drayber dito ay hindi na kayang balewalain na lang ang papahirap na pang-ekonomiyang sitwasyon sa bansa kung kaya naglunsad sila ng protesta sa pamamagitan ng paghambalang ng kanilang mga sasakyan sa sentro ng Maynila.

Hindi kataka-takang ang susunod na mag-aaklas ay mga residente ng Parola na tulad ng ibang mga maralitang lungsod ay hindi na makataong pamumuhay ang dinaranas ngayon.

Ayon sa National Urban Poor Coalition (NUPCO) na may mga miyembro at ginagawang adbokasya upang ma-i-angat ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga taga-Parola, dignidad na lamang diumano ang natitira sa mga naroroon. “Ang ating mga bahay ay katumbas ng ating dignidad. At ang paggiba sa ating mga bahay ay katumbas ng paggiba sa ating dignidad. Kung kaya’t hindi dapat mawala ang ating mga bahay.”

Naniniwala ang NUPCO kasama ang mga taga-Parola na ang pagkakamit ng katiyakan sa paninirahan kasabay ng mga laban nila sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin ay malaking kaginhawahan. Karapatan sa makataong ang kanilang iginigiit sa gobyerno.


Isa sa mga ipinaglalaban ng NUPCO at mga taga-parola ay ang pagpapatupad ng proklamasyon bilang 96 noong 2001 at 571 noong 2004 ni Gloria M. Arroyo maging ng kanyang Executive Order 108 na idineklarang lupang pabahay ang ilang bahagi ng Parola para sa mga naninirahan dito. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapatupad ito. Manipestasyon ito ng kawalang sinseridad at panloloko sa atin ni Gloria Arroyo na bigyan tayo ng pabahay.

Bukod sa pagpapatupad sa mga nasabing proklamasyon, iginigiit din ng grupo ang pagpapalawak sa sakop ng mga ito. Dapat diumano ay buong Parola, Binondo at Tondo, ang sakupin ng programang palupa na ating hinahangad.

Upang tiyakin naman na may pondong nakalaan para sa kanila at magagamit nila ito ay isinusulong din ng NUPCO ang pagkakaroon ng pamahalaang panglungsod taunang awtomatikong 5% alokasyon para sa palupa at pabahay para sa mga maralita upang matiyak ang badyet para dito.

Isinusulong din nila ang pagtatatag ng Local Housing Board (LHB) at pagkakaroon ng tamang representasyon rito upang ang tagumpay diumano ng pakikipaglaban para sa palupa at pabahay ay higit na magkakaroon ng katiyakan. Magkakaroon na raw kasi sila sa LHB ng kapangyarihang magdesisyon sa pondong nakalaan para sa mga mahihirap at pagtitiyak na ito’y makakarating sa kanila.

Kongkreto ang mga kahilingang ito ng NUPCO at mga taga-Parola. Maalalang ang lugar na ito ang laging tampok bisitahin ng mga tumatakbong Presidente maging ng mga bagong Presidente. Tuwing State of the Nation Address ay tampok rin ang kanilang kalagayan. Subalit sa dinami-daming presidente at SONA na ang nagdaan, wala pa ring maayos na pagbabago sa kanilang sitwasyon. Ito na ang pagkakataon ni Gloria Arroyo ang kaniyang sinasabing siya man ay may puso para sa mahirap. Simple lamang ang kailangan niyang gawin, ipatupad na ang kanyang proklamasyon noong 2001, ganundin noong tumakbo itong presidente noong 2004.


June 21, 2008

Mga drayber nag-karaban, iginiit ang pagtanggal sa VAT sa langis

Ika-12 ng Hunyo, Araw ng Kalayaan. Sa halip na magsaya sa paggunita ng araw na ito, ang bagong alyansa ng mga nasa sektor ng transportasyon – ang Alliance of Concerned Transport o ACT NOW! – ay naglunsad ng karaban ng mga trak, tricycle, at ilang mga pribadong sasakyan simula sa North Harbor hanggang Malakanyang upang iparating sa gobyerno ang sukdulang kahirapang dinaranas ng kanilang mga pamilya.

Panawagan ng ACT NOW! na pinamumunuan ni Ricky Papa na ibaba ang presyo ng langis. Isang agarang kaginhawahan diumano sa mataas na presyo ng langis na umaabot na ngayon sa P55/litro para sa diesel ang pagtanggal ng 12 porsyentong value added tax (VAT) sa langis.

Alas-8 pa lang ng umaga nang tumulak ang halos 250 trak at tricycle at ilang mga pribadong sasakyan mula pier. Naging sanhi ng matinding trapik sa Maynila noong umagang iyon ang mala-pagong na usad ng mga sasakyang lumahok sa karaban laban sa mataas na presyo ng langis ng ACT NOW!

Daing ng mga drayber, operator, mga negosyante, at mamamayan na miyembro ng ACT NOW! ang matinding kahirapang dinaranas dahil sa mahal ng mga bilihin at mababang kinikita nila.

Ayon sa isang miyembro ng ACT NOW! na si Eleazar Zorilla, presidente ng PAROLA TODA, hindi sapat ang naiuuwing P100 kada araw sa kanyang pamilya na may apat na miyembro. Sa taas diumano ng presyo ng gasolina, nagtataasan din ang presyo ng iba pang mga bilihin, hindi lang ng pagkain kundi ng mga piyesa at pagmimintina rin sa kanilang mga sasakyan. Kaya, ang naiuuwi nila ay halos pambili na lang ng bigas.

Hindi maipagkakailang ang naiuuwing pera ay kulang pa para sa isang maayos na pagkain ng pamilya ng drayber sa buong araw. Kapos na kapos ito para sa iba pang gastusin tulad ng mga gamit sa eskwelahan laluna't pasukan na naman.

Nakakalungkot na sa kabila ng matagal nang mga pahayag ng gobyerno na naghahanap rin ito ng mga solusyon upang matugunan ang krisis na kinakaharap ng mamamayan, hirap pa rin ang mga mamamayan hanggang ngayon.

Kapos ang mga solusyong naiisip sa ngayon ng gobyerno, tulad na lang ng limandaang pisong subsidyong ibinibigay sa mga konsyumer ng elektrisidad na kumukunsumo ng 100 kilowatthour pababa sa halip na tanggalin ang VAT sa kuryente.

Dahil nga sa hirap ng buhay, mahal na presyo ng mga bilihin, ang subsidyong ito ay hindi rin magagamit pandagdag pambayad sa kuryente. Ito ay mapupunta na lamang pambili ng iba pang mga pangunahing pangaingailangan ng maralitang mamamayan.

Batay sa ganitong karanasan, sana magising ang mga nasa gobyerno na hindi sapat ang solusyong iniisip upang mabigyan ng agarang kaginhawahan ang mga maralitang pamilya. Matagal nang sinisigaw ang pagtanggal sa VAT. Kung hindi kayang tanggalin ang VAT sa kuryente, sana man lamang kahit na pansamantala sa panahon ng krisis ngayon ay matanggal ang VAT sa langis.



June 14, 2008