Monday, January 28, 2008

Senador Enrile, PPA, at VAT sa kuryente

“Problema mo, sagot ko!” Eto ang campaign line ni Senador Enrile noong tumakbo siyang muli noong 2001 elections. Mataas na PPA o ang purchased power adjustment cost sa electric bill natin noong mga panahong iyon ang mainit na usapin. Tunog pa ng kantang “Spaghetting pataas, pababa” ang jingle niya noon na nakapatungkol sa mataas na presyo ng kuryente, pabababain niya sa pamamagitan ng pagtanggal sa PPA.

Ang PPA ay siyang pangalawa kung hindi man ito ang pinakamalaking bayaring nakalagay sa electric bill ng mga konsyumer sa kamaynilaan bago na-unbundle o humaba ang listahan ng mga bayarin natin sa kuryente.. Malaking bahagi ng PPA ay napupunta sa mga kinontratang kuryente ng Napocor sa mga independent power producers (IPPs). Napakalaki ng PPA na binabayaran dito sa Kamaynilaan at iba pang nasasakupan ng Meralco dahil sa sinisingil din tayo ng Meralco para sa kinontrata nitong kuryente sa mga IPPs. Malaking porsyento ng kuryente ay nagmumula sa mga IPPs na pag-aari ng mga Lopez.

Marahil bilang patunay na aaksyunan niya ang usapin ng PPA, nagsampa sa Pasig City Regional Trial Court noong Hunyo 11, 2002 si Sen. Enrile sampu ng iba pang mga indibidwal at organisasyon ng petisyon upang itigil ang pagkolekta ng PPA na kinukolekta sa mga konsyumer. Sa kasamaang palad, ibinasura ito ng korte. Iniakyat ito ng grupo ni Sen. Enrile sa Court of Appeals (CA). Subalit, noong Hulyo 2007, ibinasura rin ng CA ang petisyon dahil diumano hindi kinakitaan ng interes sa kaso ang grupo ni Sen. Enrile matapos balewalain nito ang order ng CA na magsumite sila ng manifestation dito.

Kaya, patuloy nating haharapin ang PPA. Hindi na makikita ang PPA sa ating electric bill pero patuloy pa rin itong kinukulekta sa pamamagitan ng automatic generation rate adjustment o generation rate adjustment mechanism. Nakapaloob ang bayarin para dito sa generation charge. Kaya naman halos kalahati ng kabuuang bayarin natin sa kuryente ay para sa generation charge.

Bilang mambabatas, mas epektibo sana si Sen. Enrile kung pagtuunan niya ng pansin ang EPIRA – kung paano maibaba ang presyo ng kuryente o paanong wag masisingil ang PPA sa mga konsyumer. Subalit, tila nanahimik na siya sa usapin ng PPA sa Senado. Simula pa naman 2001 ay nasa Committee on Energy na siya. Siya ang ulo ngayon ng sub-committee on EPIRA sa ilalim ng Committee on Energy.

Ngayon, iba na naman ang sinusubukang istratehiya ni Sen. Enrile upang mapababa ang presyo ng kuryente. Ito ay ang pagtanggal sa value added tax (VAT ) sa kuryente. Magandang panukala itong inihain ni Senador Enrile ngayong Enero na sana’y maipasa na nga sa lalong madaling panahon. Totoong malaki ang matitipid ng mga konsyumer kapag tinanggal ang VAT sa kuryente. Halos sampung porsyento kasi ng kabuuang bayarin sa kuryente ay napupunta lamang sa VAT. Hindi lang generation, transmission, at distribution charges ang may VAT. Pati systems loss na sanhi ng mga pilferage o nawawalang kuryente ay may VAT din.

May kaginhawahang dulot ang pagtanggal ng VAT sa kuryente. Pero huwag rin sanang kalimutang malaki rin ang kaginhawahang mararamdaman ng mga konsyumer kung tatanggalin na rin ang pagbabayad para sa PPA o ang binabayaran sa kinontratang kuryente mula sa mga IPPs pero hindi naman nagagamit.

Saturday, January 26, 2008

Amyenda sa EPIRA

Isa sa mga tatalakaying panukalang batas sa pagpapatuloy ng sesyon ng Kamara ngayong Enero ay ang pagbabago sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA). Nakasalang na sa second reading sa Mababang Kapulungan ang amyenda sa EPIRA bago magbakasyon ang Kamara noong Disyembre 2007.

Isinusulong ng panukalang amyenda na gawing 40% na lang ang dapat na maisapribado sa halip na 70% ng kapasidad ng mga generation plants ng Napocor at ng mga independent power producers (IPPs) bilang rekisito para sa open access and retail competition. Ayon sa Chairman ng Committee on Energy ng Mababang Kapulungan na si Rep. Mickey Arroyo, nilalayon daw ng pagbabagong ito sa EPIRA na mapababa ang presyo ng kuryente sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kumpetisyon sa merkado ng kuryente.

Ang 70% pribatisasyon ng mga planta at kontrata ng IPPs na lamang ang natitirang rekisito para sa open access at retail competition. Ang ibang mga rekisito tulad ng pagtitilad-tilad ng bayarin sa kuryente (unbundling of rates), pagtanggal sa cross-subsidy, at pagtatag ng wholesale electricity spot market (WESM) ay naipatupad na.

Nagkakaisa ang mga mambabatas at mga konsyumer ng elektrisidad sa kagustuhang bumaba ang presyo ng kuryente. Halos beynte porsyento kasi ng kinikita ng isang ordinaryong pamilya ay napupunta lang sa pagbabayad sa kuryente. Samantalang ang kalakhan ng kinikita ng mga maliliit na negosyo ay ipinambabayad lamang sa kuryente.

Subalit sa panukalang amyenda, kahit na maging ganap na ang implementasyon ng open access at retail competition, malabo pa ring mangyari ang pangarap na bumaba ang presyo ng kuryente dahil sa iba pang mga konsiderasyon na dapat ding binibigyang atensyon ng Kongreso na siyang nagpasa ng EPIRA. Pangunahin na rito ang hindi pagkakaroon ng totoong kompetisyon.
Kontrolado lang ng iilan ang generation sector na siyang nagpoprodyus ng kuryente. Ito ay ang Napocor, at mga independent power producers (IPPs) sa ilalim ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. Ang pangatlong may malaki nang pag-aari sa generation sector ay ang mga Lopezes laluna’t sila na ang nagmamay-ari ng 60% ng PNOC-EDC. Sumusunod naman ang Aboitiz na patuloy ngayong namimili ng mga ibinebentang planta ng Napocor.

Ang presyo sa generation sector ay hindi na kontrolado ng Energy Regulatory Commission sapagkat ito’y deregulated na. Pinapayagan ng EPIRA na hanggang 90% ng supply sa kuryente ng mga distribution utility tulad ng Meralco at mga electric cooperatives ay nakatali na sa mga kontrata sa generation companies. Kaya, sa sinasabing kumpetisyon, kung ito’y inaasahang magmumula sa ibinebentang kuryente sa (WESM) o ang sinasabing merkado ng kuryente, kakaunti na lang ang pwedeng bilhin dito at hindi ganoon kalaki upang makapagpababa sa presyo ng kuryenteng ibebenta sa ibang mga konsyumer tulad ng residential customers at ilang maliliit na negosyo na hindi kayang bumili ng direkta mula sa WESM. Ang maaaring magbenepisyo agad sa open access ay ang mga may buwanang average na peak demand na 1 megawatt (MW). Ito ay ang mga malalaking negosyo o kumpanya na hindi naman, direktang naibabawas sa presyo ng kanilang produkto ang anumang matitipid nila sa pagbili ng kuryente mula sa WESM.

Hindi ang tingi-tinging amyenda na ginagawa ng Kongreso ngayon ang kailangan natin upang masolusyunan ang probolemang mataas na presyo ng kuryente. Dapat rebisahing mabuti ang batas at tingnang maigi rin ang tunay na kalagayan ng industriya ng kuryente at maging ang kapasidad ng mga konsyumer sa pagbabayad. Dapat ding isama ang mga konsyumer sa proseso ng pagrebisa ng EPIRA o pagtatakda ng bagong batas sa industriya ng kuryente upang sumalamin din ito sa tunay na interes ng mga konsyumer. Tandaang hindi lang mga negosyante o mga kumpanya ng kuryente ang stakeholders sa industriya ng kuryente. Lahat tayo ay apektado kaya dapat na kasama tayo sa anumang mga pagdedesisyon ukol dito.

Monday, January 21, 2008

Desentralisasyon lang ng korupsyon

Nakabinbin ngayon sa Gabinete ang proposal na pagbabago sa implementing rules and regulations (IRR) ng Build-Operate-Transfer (BOT) Law. Pirma na lang diumano nila Department of Finance Secretary Margarito Teves, Department of Environment and Natural Resources Secretary Lito Atienza, at Department of Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno ang kulang.

Ang panukalang pagbabago sa IRR ay naglalayong gawing mas mabilis umano ang proseso ng pag-apruba sa mga proyektong lalahukan ng pribadong sektor. Ang mga lokal na pamahalaan o local government units (LGUs) ay mabibigyan na ng karapatang magsumite ng proposal kung anong proyekto ang mga gagawin. Maging ang ebalwasyon nitong mga proyekto ay gagampanan na rin nila. Mabibigyan na rin sila umano ng awtoridad na magdesisyon sa rules sa bidding, pag-apruba ng mga dokumento sa proyekto at iba pang kontrata.
Maaaring mapabilis nga nitong mga pagbabago sa IRR ang proseso, subalit posible rin itong magresulta sa korupsyon o malagay sa alanganin ang pampinansyal na katayuan ng lokal na pamahalaan dahil sa posibleng malusaw ang ilang mga dapat na proteksyon ng mamamayan at ng gobyerno na matatanggal sa gagawing desentralisasyon sa pag-aapruba na ginagampanan sa kasalukuyan ng Investment Coordinating Council. Ang mga proseso sa ngayon ay pwedeng masuri sa nasyunal na lebel.
Ang BOT Law ang siyang batas na nagbigay daan sa pribadong sektor, mga pribadong kumpanya, na lumahok sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan tulad ng sa industriya ng kuryente, sektor ng kalikasan, pangkalusugan, at maging ng sektor sa information at communication technology (ICT).

Kakulangan sa malaking kapital na kinakailangan para sa mga proyektong ito ang nagtulak diumano sa gobyerno na ipasa ang batas na ito. Malinaw na ang batas na ito ay hindi lang upang magbigay ng legal na batayan sa partisipasyon ng pribadong sektor sa mga proyekto ng gobyerno. Higit sa lahat, nilalayon nito ang mahikayat ang malakas na partisipasyon ng pribadong sektor na tinitingnan ng gobyerno na may sapat na kapital na kinakailangan para sa pagpapatayo o pagpapatakbo ng mga imprastrakturang pampubliko. Nilalayong mabawasan raw ang suliraning pampinansya sa gobyerno sa pagpopondo sa mga proyekto kaya’t sa pamamagitan nitong batas ay nagbibigay ng insentibo sa pribadong sektor na pumasok, lumahok, o siya nang gumampan ng trabaho ng gobyerno na paghahatid ng pampublikong serbisyo o imprastraktura.

Nagkaroon na ng maraming pagbabago sa batas na ito na unang inaprubahan ng Kongreso at pinirmahan ni Presidente Cory Aquino noong 1990. Sa panahon ni Presidente Fidel Ramos, 1994, noong kasagsagan ng krisis sa enerhiya, inamyenda ang BOT Law upang mas mapabilis pa ang pagpasok sa mga kontrata sa pribadong sektor tulad ng mga kumpanya ng kuryente upang matugunan ang krisis sa enerhiya. Sa pareho ring kadahilanang mapabilis, mapadali ang pagpasok ng pribadong sektor sa mga proyekto ng gobyerno, inaayos ngayon ng gabinete ang pag-amyenda sa IRR ng BOT Law.

Desperado ang gobyerno natin na magamit ang pera ng pribadong sektor bilang isang solusyon sa kakulangan ng pondo nito upang maihatid ang serbisyo publikong dapat nitong ginagampanan. Subalit, sa karanasan natin sa pagpasok ng pribadong sektor – mga independent power producers – sa industriya ng kuryente sa pamamagitan ng mga proyektong BOT, naranasan natin ang masamang epekto nito. Tumaas ang presyo ng kuryente , maging mga bayarin ng gobyerno ay nadagdagan din dahil sa mga insentibong ibinigay sa mga pribadong kumpanya na hindi naman pabor sa mga mamamayan.

EDSA MRT III, MWSS concession agreement, Tollways construction. Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng proyektong pinasok sa ilalim ng BOT agreement. At nakita natin ang bawi nito sa mga mamamayan. Mas mataas na singil sa serbisyo. Samantala, patuloy pa ring nagkakaroon ng utang ang gobyerno sa mga proyektong ito. Paano ba naman, nariyan ang korupsyon sa simula pa lang ng pagpasok sa kontrata. At ang mga nilalaman naman ng karamihan sa mga kontrata ay hindi makatarungan o hindi pabor sa gobyerno at mamamayan nito.

Posibleng darami lamang ang magbubulsa ng pera ng kabang bayan kapag ang mga panukalang amyenda ay naisakatuparan. Kawawang Juan dela Cruz.

Sunday, January 20, 2008

Pagdinig sa pagtaas sa singil ng Meralco, pormalidad na lang

Noong unang linggo ng Enero, napabalitang magtataas ng singil sa kuryente ang Meralco ngayong Pebrero dahil sa pagbabago sa magiging singil nito sa distribution, supply, at metering charge. Ito'y ayon daw sa inaprubahang aplikasyon ng Meralco noong nakaraang taon para sa June2007 hanggang July 2008 na annual revenue requirement batay sa performance-based regulation (PBR) rate methodology na ipinapatupad ngayon ng Energy Regulatory Commission (ERC) para sa determinasyon ng maaaring singilin sa serbisyo ng power utility tulad ng Meralco.

Subalit makalipas ang isang araw ay agad binawi ang balitang ito. Sinabi ng ERC na wala pa naman daw petisyon na inihahain ang Meralco sa kanila na inamin rin naman ng huli kaya't hindi pa mangyayari ang sinasabing pagtaas ng Meralco sa singil nito sa kuryente. Kaya't makalipas ang ilang araw, Enero 11, ay naghain na nga ng petisyon ang Meralco para sa pagtataas ng singil nito.

Sa kabila ng dinami-daming pagtaas sa singil ng Meralco, lumalabas dito na ang huling pagbabago raw nila sa singil sa para sa distribution charge ay noong 2003 pa, noong na-unbundle o humaba ang listahan natin ng mga bayarin sa kuryente. Pero marami nang naging pagbabago, kadalasan pagtaas ito, sa singil ng Meralco. Ito ay sa systems loss nila, adjustment sa presyo ng kinukuhang kuryente mula sa mga independent power producers at iba pa, at sa pagbabago ng palitan ng piso at dolyar.

Ang panukalang singil diumano, ayon sa Meralco, ay magpapakita lang ng maximum na singil ng Meralco para sa taong 2007 hanggang 2011 na pinapayagan ng ERC sa ilalim ng metodolohiyang PBR. Ang maximum na pagtaas para sa taong ito, ayon sa inaprubahan ng ERC, ay P1.167/kwh. Ang pagtaas naman para sa taong 2009 ay P1.260/kwh, P1.361/kWh sa 2010, at P1.471/kWh sa taong 2011.

Ayon sa nakasulat sa website ng ERC, dadaan naman daw sa pampublikong pagdinig at pagsusuri nito ang panukalang iskedyul ng singil sa kuryente ng Meralco.

Sa ganang akin, pormalidad na lang ang sinasabing mga pagdinig sapagkat may inaprubahan na ang ERC ng maximum na halaga ng pagtaas ng Meralco sa singil nito. Samaktwid, lalabas na moro-moro na lang ang mangyayaring pagdinig. Kung may pagdedesisyunan pa man ang ERC, maaaring iyon ay kung paanong hindi magiging biglaan o unti-unti na lang ang pagsingil laluna't kung ito'y siguradong lilikha na naman ng ingay, alingasngas, at mga protesta sa Kamaynilaan.

Ang PBR rate methodology ay kwestiyonable pa nga kung tutuusin dahil isinasama sa komputasyon para sa annual revenue requirement nito ang mga mangyayari pa lang nitong mga proyekto at tinatantyang gastusin sa operasyon. Maging ang corporate income tax at iba pang mga buwis na binabayaran ng Meralco ay kasama rin sa komputasyon.

May “reward” ang kumpanya ng kuryente, sa kasong ito ang Meralco, kapag mas mababa kaysa itinakdang kabubuuang halaga ng mga gastusin/bayarin ang aktwal na nagamit at sa kabila nyan ay mahusay pa rin nitong napunan ang mga itinakdang obligasyon nito. Ang “savings” ay siyang reward nito. Ang tanong eh, kapag naman pumalpak ang Meralco, ano ang “penalty” nito? Mayroon naman daw sistema para sa refund sa mga pagkakataong nagkaroon ng overcharging. Sa karanasan natin sa refund sa Meralco, naging magulo ito. Hindi lahat ay nakakuha ng refund. Samantala, hindi rin kasama ang interes ng sobrang kinolekta sa mga konsyumer. Dapat marahil rebisahin pang muli ang PBR na ito at maipaliwanag nang husto sa mga konsyumer bago ito ipatupad ng ERC.

Sunday, January 13, 2008

Tax sa Text

Kamakailan lamang ay sinabi ni Department of Trade and Industry Secretary Peter Favila na side issue lang diumano ang pagpapataw ng panibagong tax o buwis sa text messaging. Si Press Secretary Ignacio Bunye naman ay nagsabing hindi na raw itutuloy ng Malakanyang ang ganitong panukala. Ito’y matapos ulanin ng batikos mula sa iba’t ibang indibidwal at grupo ang balak na pagpataw ng tax sa text messaging.

Dapat lang i-scrap na ng mga opisyal ng gobyerno ang planong pagpataw ng tax sa texting. Pati ba naman kasi texting na siyang pinakamurang paraan na ng komunikasyon ng karamihan sa bansa laluna nang mga hindi makapagpakabit ng telepono ay balak pang buwisang muli ng gobyerno natin.

May value added tax (VAT) nang ipinapataw sa kasalukuyan sa serbisyo ng telecommunication companies. Ang panukala ngayon sana na inaatras na ng gobyerno diumano ay maging P1.50 na ang singil kada padala ng text. Ang 50-sentimos ay mapupunta dapat sa gobyerno bilang dagdag na kita nito upang mabawi ang anumang mawawalang kita mula sa pagbawas ng 1% sa taripa ng imported na langis. Kaya, hindi kataka-takang naging matindi ang reaksyon ng taumbayan rito laluna ng mga nasa middle income at naghihirap na mamamayan.

Sa bilang noong magsara ang taong 2007, umaabot na sa humigit-kumulang 55 milyon ang subscribers ng cellular phones. Sa average ay 500 milyon hanggang 800 milyon ang text messages ang hinahawakan kada araw ng isang telecommunication (cellular) company.

Maraming beses na ring pinag-initan ng ilang mga opisyales ng gobyerno ang pagpapataw ng tax sa texting. Sa tuwing mangangailangan ang gobyerno ng dagdag na kikitain ay nakabaling agad ang paningin nito sa kung saan madaling kumita tulad ng pagpapataw ng buwis sa nakonsumong produkto o serbisyo. Ang mga middle income at mahihirap na indibidwal ang agad na naapektuhan sa ganitong klase ng pagkakakitaan ng gobyerno.

Handa namang magsakripisyo ang mga mamamayan para sa bayan. Subalit, mahalagang makita kung sa kapaki-pakinabang mapupunta ang kanilang pagsasakripisyo at dapat ay pantay-pantay ang pagsasakripisyo kung hindi man kayang ang mas nakakaalwan sa buhay na lang ang magsakripisyo.

Para saan nga ba ang dagdag na kitang hinahabol ng gobyerno? Para sa mga imprastraktura at serbisyo nito? Kung sa mga imprastraktura, maraming rito ang kwestyonable ang mga kontrata. Malaki ang inuutang o pondo ng gobyernong napupunta para sa mga imprastraktura o ibang proyekto na overpriced at ang ilan naman ay sub-standard. Malaki ang malilikom na pera ng gobyerno kung magiging malinis ang mga kontratang pinapasok nito.

Nakikinabang pa rito ang mga mayayaman na. Pagdating naman sa binubuwisan, kahit na patawan ng buwis ang texting, hindi ito iindahin ng mga mayayaman. Ipinapakita sa datos ng National Statistics Office na lalong lumalaki ang agwat ng mayayaman at mahihirap ngayon dito sa bansa. Ang 1.74 milyong pinakamayayamang pamilya sa bansa ay kumita ng 36 porsyento ng kabuuang mahigit P3 trilyon o $74 bilyong kita ng lahat ng mga pamilya noong 2006. Ang average na kita ng pamilya sa isang araw ayon sa NSO ay $12 lamang, wala pang P500.

Ang texting ay pwede namang bawasan o isakripisyo ng mamamayan, kung hindi talaga kaya ng kanilang bulsa ito, upang mabigyang prayoridad ang pambili ng pagkain at iba pang pangangailangan tulad ng tubig at tirahan. Pero, bakit lagi na lang mga mahihirap ang mas nagsasakripisyo?

Kumpanya ng langis o mamamayan

Talagang nakakaalarma ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pambansang pamilihan. Noong nakaraang linggo ay umabot ang presyo ng langis sa $100 kada bariles.
Kumikilos naman ang gobyerno upang mapag-isipan ng solusyon ito. Subalit, hindi gaanong katanggap-tanggap ang nabuo nitong solusyon sa mataas na presyo ng langis.

Ang kakalabas na kautusan ng Malakanyang kamakailan na pagbaba ng isang porsyento (1%) sa taripa ng imported na langis ay hindi gaanong mararamdaman ng mga mamamayan. Ang pangunahing makakatikim ng kaginhawahan sa kautusang ito ay ang mga malalaking kumpanya ng langis dahil mababawasan ang halaga ng ibabayad nila para sa taripa. Nasa diskresyon na ng mga kumpanya ng langis kung paano nito ibabahagi sa mga bumibili dito ang diskwentong nakuha mula sa kautusan ng Malakanyang.

Sabihin man ng Malakanyang na maaaring bumaba ng P0.50 kada litro ang presyo ng langis na mabibili sa mga istasyon ng gasolina, hindi naman obligado ang mga kumpanya ng langis na gawin ito. Sila kasi ang nagtatakda ng presyo sa mga istasyon nila at hindi naman ang gobyerno.

Wala pa man ang kautusan sa pagbaba ng taripa sa imported na langis, nagsasalita na ang ilan sa mga kumpanya ng langis na hindi ito masyadong magreresulta sa pagbaba ng presyo dahil hindi pa raw nila lubos na nababawi ang ginastos sa mataas na angkat ng produktong petrolyo noong mga nagdaang linggo o buwan. Bukod ditto, sabi nila ay patuloy pa raw ang pagtaas ng presyo ng inaangkat na produktong petrolyo. Kaya kung may ibaba man sila dapat, halos mababawi lang daw ito sa pagtaas ng presyo ng inangkat nilang langis. Posible pa nga raw magtaas pa rin sila dahil hindi sapat ang 1% diskwento upang mabawi ang mataas na bili nila ng langis.

Nakakaalarma rin ang ginagawang mga desisyon ngayon ng ilang mga opisyal ng gobyerno na involved sa pagpaplano ng solusyon sa sinasabing krisis sa enerhiya. Ilang halimbawa sa mga opisyal na ito ay ang kalihim ng Department of Energy na si Sec. Angelo Reyes at kalihim ng Department of Finance na si Sec. Margarito Teves. Sinasabi nilang naghahanap sila ng solusyon upang huwag gaanong mahirapan o maapektuhan ang mamamayan sa pagtaas ng presyo ng langis. Subalit ang solusyong naisip nila na pagbaba sa taripa sa imported na langis ay maaaring hindi maramdaman ng mga naghihirap nitong mamamayan. Kung seryoso ang mga nasabing opisyal sa paghanap ng kasagutan sa matinding epektong dulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa pambansang pamilihan, maaari nitong simulan ang solusyon sa pagtanggal ng 12% value added tax (VAT) sa langis. Agad-agad, P4 kada litro ang matatanggal sa binabayaran sa diesel halimbawa, samantalang P0.50 lamang kada litro ang posibleng ibababa sa presyo ng langis sa pagbaba ng 1% sa taripa sa imported na langis.

Sabihin man ng Department of Finance o ng Malacanang na P40 bilyon ang mawawala sa koleksyon ng pamahalaan kapag tinanggal ang VAT sa langis, katumbas naman nito ay may mabibili pang pagkain ang mga tao sa halip na napupunta lang ang pera para dito sa pagtaas ng bayad sa transportasyon o pagtaas ng halaga ng mga pangunahing produkto. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dito sa bansa, magbubunsod lamang ito sa dagdag na kahirapan ng mga mamamayan na maaaring magresulta rin sa pagtaas lalo ng kriminalidad sa lugar natin.

(Published in Tanod, 12 January 2008)

Proteksyon ng electricity consumers, nasaan?

Ngayong Enero ay maaaring magtaas na naman ang Meralco ng singil nito sa kuryente, partikular sa generation charge, ng P0.0136 kada kilowatthour. Mahigit 4 milyong kustomer nito ang maapektuhan nitong pagtaas. Noong nakaraang Disyembre lamang ay nagtaas na ito ng singil ng 6 sentimo kada kilowatthour. Ito’y sa kabila ng patuloy na paglakas ng piso kontra dolyar.

Noong mga nakaraang panahon na mataas ang presyo ng dolyar kontra piso, mabilis ang Meralco sa paghingi ng pagtaas sa singil nito upang mabawi ang lugi nito mula sa exchange rate. Ngayong, mataas naman ang presyo ng piso kontra dolyar, ay wala tayo halos makitang pagbaba sa singil sa kuryente.

Ang sinasabing dahilan ngayon ng Meralco sa magiging pagtaas sa singil ay ang pagtaas ng mga bayarin nito sa pinagkukunan ng kuryente tulad ng National Power Corporation at mga independent power producers (IPPs) nito na ngayon ay nasa pamamahala ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) ganundin mula sa IPPs na may kontrata sa Meralco.

Sa pamamagitan ng generation rate adjustment mechanism (GRAM) ay narerekober ng Meralco at ng iba pang power utilities ang mga pagtaas sa gastusin nila sa mga pinagkukunan ng kuryente. Awtomatiko nang binabago ng Meralco ang singil nito buwanan ayon sa pormula sa GRAM na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC). Halos isang taon din magmula noong Hulyo 2006 na hindi awtomatiko ang pagrekober ng mga power utilities sa GRAM ayon sa kautusan ng Korte Suprema sa petisyon ng NASECORE vs. Meralco na dapat dumaan sa due process ang anumang petisyon patungkol sa electricity rates, ke-pagtaas man ito o adjustment, upang magkaroon ng pagkakataon ang mga apektadong konsyumer na makalahok sa proseso at magpaabot ng posisyon nito.

Subalit sa lakas ng presyur ng Meralco, iba pang distribution utilities at maging ibang mga kaalyado nitong grupo ng mga negosyante, napilitan ang gobyerno sa pamamagitan ng Department of Energy at pakikipagtulungan ng ERC na amyendahan noong Mayo 2007 ang implementing rules and regulations (IRR) ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang maging awtomatiko ang pagrekober ng mga power utilities. Katwiran nila, dahil daw sa pagkaantala sa pagrekober ng mga power utilities sa mga lugi o losses mula sa pagbabago sa presyo ng krudo na ginagamit ng mga planta ng kuryente sa power generation ganundin sa palitan ng piso at dolyar, at sa presyo ng kuryenteng likha ng mga IPPs o power generation companies, maaaring manganib ang pinansyal na katayuan ng kompanya at maaapektuhan daw ang serbisyo nito.

Ayon kay ERC Chair Rodolfo Albano, kahit na pinapayagan ang Meralco sa awtomatikong pagbabago – pagtaas o pagbaba – sa singil sa kuryente ay may ginagawa naman daw na mandatory review ang ERC sa mga pagbabagong ito para sa proteksyon ng mga konsyumer. Ibig sabihin nito, kapag nagkaroon ng sobrang singil ay ma-rerefund ito sa mga konsyumer.

Ang ginagawang sistema ngayon ng ERC ay hindi tunay na proteksyon sa mga konsyumer. Sa panahon ngayon na mahalaga ang bawat sentimo sa atin, malaki ang epekto ng sobrang singil sa pang-araw-araw na buhay. Sakaling sumobra ng singil na 2 sentimo kada kilowatthour, ito ay katumbas rin ng P40 sa generation charge pa lang, hindi pa kasama yung VAT. Pati overcharge kasi ay may VAT din.

Ang tunay na proteksyon ay iwasan ang pagkakaroon ng overcharge. Ito ay mangyayari kung magkakaroon ng masusing rebyu at pagkakaroon ng public hearing sa aplikasyon bago ang paniningil ng adjusted rate. Dapat ay huwag gawing awtomatiko ang pagrekober. Pinapayagan naman ang probisyunal na pagbabago ng singil kung talagang kailangang-kailangan ang pagrekober ng mga power utilities.

(Published in Tanod, 7 January 2008)

Presyo ng bigas, posibleng tumaas din ngayong taon

Hindi lang pala presyo ng tubig, pangungunahing pangangailangan para mabuhay, ang tataas ngayong taon. Maging ang bigas, pangunahing pagkain natin, ay posible ring tumaas.

Ang National Food Authority (NFA) sa San Fernando, Pampanga ay nag-iisip na diumanong magtaas ng presyo ng bigas ngayong 2008 dahil sa halos P20 bilyong nalugi nito noong nakaraang taon. Mura lang raw kasing ibinebenta dito sa bansa ang inaangkat nitong mga bigas. Ibinibenta lang ng NFA ng P18.25 kada kilo ang bigas nito samantalang ang regular na presyo ng bigas ay P22 kada kilo.

Ayon sa NFA public affairs chief Rex Estoperez, tumaas na raw ang presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan. Nagkakahalaga na raw ito ng P386 hanggang P405 kada metric ton noong magsara ang taong 2007. Subalit, nananatili pa rin daw mababa ang presyo ng binibentang bigas ng NFA. Bagama’t may sapat pa namang suplay ng bigas sa bansa, ay patuloy naman sa paglaki ang nakokonsumong bigas ng mga Pilipino. Humigit-kumulang 32,000 metric ton ng bigas ang nakokonsumo dito sa bansa kada araw.

Kung ngayon, pagtaas pa lang ng presyo ang nakikitang problema sa bigas, hindi maglalaon at malaking problemang tatambad sa atin ang kakulangan sa suplay laluna’t maraming lupang pansakahan ngayon ang pinatatayuan na ng mga industrial parks at tinatamnan ng produktong mas magbibigay ng malaking kita sa magsasaka.

Ang isang malaking kumbersyon ngayon sa lupa ay ang pagtatanim ng jathropa o mas kilala sa tawag na tuba-tuba para pagkunan ng enerhiya. Mabuti sana kung enerhiya para sa katawan tulad ng naibibigay ng kanin o bigas. Hindi, ito’y para sa enerhiyang magagamit upang patakbuhin ang mga sasakyan, para sa transportasyon. Ang jathropa ay isang pinagkukunan ng biodiesel bilang tugon sa Biofuels Act sa Pilipinas na nag-uutos ng paghalo ng hindi bababa sa isang porsyento ng biofuel sa diesel na ginagamit sa mga sasakyan.

Sa Palawan pa lang pala ay may 100,000 hektarya na ang nakalaan para tamnan ng jathropa. Dapat sana’y mga lupain sa kagubatan o di kaya’y nakatiwangwang o hindi ginagamit na lupain sa sakahan lang ang tatamnan ng jathropa. Subalit dahil sa mataas ang magiging kita ng magtatanim ng jathropa kaysa magtatanim ng palay, maraming mga magsasaka ngayon ang posibleng ma-engganyong jathropa na sa halip na palay ang itanim.

Kung magiging ganito ang sitwasyon, baka hindi pa maging sapat ang perang kikitain sa jathropa upang ang kasiguruhan sa pagkain – bigas – ay matugunan. Aanhin ang pera kung kukulangin ng suplay ng bigas dito sa bansa. Kahit na sakaling may perang pang-angkat kung magsisiguro rin sa suplay ng bigas para sa kanila ang mga bansang nagpo-prodyus ng bigas, mababalewala rin ang pera. Baka hindi rin kayanin ng pera natin ang makipagkumpetisyon sa ibang mga bansang mas may kakayanang bumili ng bigas sa mas mataas na halaga. Tandaang kapag kulang ang suplay, ang presyo ng produkto ay nagtataas.

(Published in Tanod, 5 January 2008)

Ano ang hatid ng 2008 para sa mga empleyado ng Transco

Kapag ganitong Disyembre, kadalasan uwian ito sa probinsya, sa mga kinalakhan nating lugar. Panahon ito ng reunion ng pamilya, magkakabarkada, at magkaka-eskwela.

Makalipas ang halos dalawampung taon, muli ko na namang nakita ang mga ka-batch ko sa high school sa probinsya. Iba-iba na ang buhay namin. Ang isang naging interasado ako sa pakikipag-usap ay doon sa empleyado ng National Transmission Corporation (Transco), isang korporasyong kontrolado at pag-aari pa rin sa ngayon ng gobyerno.

Napag-usapan namin ang napipintong pribatisasyon ng Transco. Kahit na sa Mindanao sila, masusi rin nilang sinusubaybayan ang mga pangyayari ukol sa Transco. Nababagabag silang taga-Transco sa isang bahagi ng Mindanao dahil sa natapos na raw ang bidding para sa 25-year concession contract sa operasyon ng Transco noong ika-12 ng Disyembre. Nakikita nilang hindi na mapipigilan ang pribatisasyon dahil may nananalo nang bidder. Nangangamba sila sa maaaring mangyari sa kanila sa mga darating na taon tulad ng posibleng mawawalan ng trabaho sa kanila. Maaaring sa pagpapalit ng management ay may mga matanggal na empleyado o may mga patakaran na magpapabago sa kanilang buhay.

Hindi gaanong nangangamba ang ka-batch ko para sa kanyang sarili, mas iniisip nya ang magiging epekto ng pribatisasyon sa kanyang mga tauhan at kasamahan. Naghanda na itong ka-batch ko sa maaaring mangyaring mga pagbabago noong ipinasa ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) kung saan malinaw na nakasaad rito ang pribatisasyon ng Napocor maging ng Transco. Noong simulang i-bid ang Transco at maging agresibo ang gobyerno sa pribatisasyon sa industriya sa kuryente noong 2004 ay nagsimula na ang kanyang paghahanda para sa kasiguruhan ng kanyang kinabukasan. Ito rin ang kanyang naging payo sa kanyang mga kasamahan.

Nakikita ko sa kanya ang pagiging bukas ang isip sa anumang mga posibilidad. Bagamat, mahirap na talaga marahil mapigilan ang pribatisasyon ng Transco, dapat lang huwag itong tanggapin ng tahimik. Dapat maipaabot ng mga apektadong empleyado ang kanilang posisyon o saloobin sa mga pangyayaring makakaapekto sa kanilang buhay kahit pa mukhang hindi na mapipigilan ang isang pangyayari.

Marami pa ang butas na dadaanan ng State Grid Corporation of China at Monte Oro Resources Grid Corporation na nananalo sa bidding para sa operasyon ng Transco. Marami pang mga hindi pa nasasagot na mga isyu ukol sa pribatisasyon ng Transo. May nakabinbin pang resolusyon sa Senado para sa imbestigasyon sa alegasyong may “conflict of interest” kay Jose Ibazeta na presidente ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na siyang namahala sa bidding at tungkol sa buong proseso ng pribatisasyon ng Transco. Nariyan pa rin ang masusing pag-aaral ng Kongreso sa kumpanya bago ito mabigyan ng prangkisa para magpatakbo sa Transco.

May isang taon ang kumpanya upang makakuha ng prangkisa. Kapag hindi ito nabigyan sa nasabing panahon, mababale-wala ang pagkapanalo nito sa bidding, hindi matutuloy ang pribatisasyon ng Transco.

Bantayan ang pagtaas ng singil sa tubig!

Samantalang marami pa ring mga kabahayan sa Metro Manila ang wala pang koneksyon sa tubig mula sa Maynilad o Manila Water, ang presyo ng tubig ay patuloy namang tumataas. Marahil, pagdating ng araw na mahatiran na sila ng tubig nitong mga kumpanya ay baka hindi na rin nila masyadong makayanan ang pagbabayad dito dahil sa mahal na ng singil sa tubig.

Ngayong 2007 pa lang, umaabot na ang singil sa tubig sa halos P33 kada metro kubiko para sa mga lugar ng Maynilad. Samantala, P20.68 kada metro kubiko naman ang singil ng Manila Water Company, Inc.

Noong isinapribado ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sampung taon na ang nakakaraan, P2.32 kada metro kubiko lang ang idineklarang singil ng Manila Water at P4.96 kada metro kubiko naman ang sa Maynilad. Nasa 565 porsyento hanggang halos 800 porsyento na ang itinaas ng tubig makalipas ang isang dekada. Ginawa nang negosyo ng mga pribadong kumpanyang Manila Water at Maynilad ang paghahatid ng tubig na dapat sana’y isang serbisyo – abot kaya ng mamamayan laluna ng mga mahihirap dahil mahalaga ito para mabuhay.

Patuloy pa ang pagtaas ng presyo ng tubig na de-metro. Sa susunod na taon magiging P25.68 na ang singil ng Manila Water. Sa Maynilad naman, bagamat sinasabing may posibleng pagbaba ng singil ng P1.30 kada metro kubiko sanhi ng paglakas ng piso kontra dolyar, ay naghahanda na rin ng petisyon para sa pagtaas ng singil sa tubig sa pamamagitan ng rate rebasing.

Ayon sa MWSS, magsusumite na ng aplikasyon sa 2008 ang Maynilad para sa pagtaas ng singil nito sa tubig, matapos ngayong buwan ang mga itinakdang obligasyon ng Korte sa pinansyal na rehabilitasyon ng Maynilad. Bahagi ng rehabilitasyon ay maisaayos ang programa nito sa mga pinagkakagastusan o pagbayad sa mga pinagkakautangan. Kailangang daw matugunan muna ang isyung ito bago maaaring makapag-apply para sa rate rebasing o pagbabago ng singil sa tubig ang Maynilad. Sa 2009 na ipapatupad ang anumang maaprubahang bagong singil.

Hindi pa man nagsasalita ang Maynilad, nangunguna na ang MWSS sa pagsabing magtataas na ng singil ang Maynilad sa rate rebasing. Ibig lang ipakahulugan na ang rate rebasing ay pagtataas ng singil sa tubig. Hindi pa tinawag na lang rate increase. Kelan nga ba, bumaba ang singil ng mga kumpanyang ito sa kanilang mga nakaraang rate rebasing? Palagi na lang, pagtaas sa singil ang resulta nito na pinapayagan naman ng MWSS.

Sa kaso naman ng Maynilad, kilala ito sa madalas na paghingi ng pagtaas ng singil sa tubig makalipas ang isang taon napunta dito ang paghatid ng tubig sa west zone o kanlurang bahagi ng Metro Manila (sakop nito ang may walong siyudad at tatlong munisipalidad) ganundin ang isang siyudad at limang munisipalidad ng Cavite. Subalit, sa kabila ng halos taun-taong paghingi ng pagtaas sa singil, ay palugi pa rin ang operasyon nito. Isang klarong kaso ng hindi maayos na pagpapatakbo sa kumpanya. Kaya nga noong 2002, nag-apply ang Maynilad para sa pinansyal na rehabilitasyon. Nalugi na kasi ang isang partner sa kumpanya, ang Benpres na pag-aari ng kilalang Lopezes, at ang parte nito sa pag-aari sa Maynilad ay ibinigay na sa gobyerno.

Ngayong nakakabawi na uli ang Maynilad sa ilalim ng bagong pamunuan ng DMCI-Metro Pacific consortium, siguradong sa ating mga kumukunsumo naman ng tubig ito babawi sa mga nagastos sa rehabilitasyon. Dapat nating bantayan ito sa mga darating na araw.

(Published in Tanod, 29 December 2007)

Mag-imbak na ng tubig ngayong pasko at bagong taon

Dagdag pa sa mga magtataasang halaga ng mga pangangailangan natin ay ang tubig. Simula Enero 1, 2008, ang mga nasa silangang bahagi ng Metro Manila na nasasakop ng Manila Water Corporation Inc. (Manila Water) ay magbabayad ng dagdag na P5 kada metro kubiko (P5/cubic meter) ng tubig. Kasama sa mga lugar na ito ang ilang bahagi ng Quezon City, Makati, Taguig, Pateros, Marikina, Pasig, San Juan, Mandaluyong, at timog-silangang bahagi ng Maynila, at ang probinsya ng Rizal.

Katorse pesos (P14) kada metro kubiko ang hininging pagtaas ng Manila Water sa singil nito sa tubig sa 2008. Upang hindi maging mabigat daw ang dagdag na singil, ang inaprubahan ng Regulatory Office ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ay P5 muna, pagkatapos ay magtataas uli sa natitirang apat na taon hanggang taong 2012. Pero sa suma tutal, ayon pa rin ito sa hininging halaga ng itataas na P14/cu.m. pagdating ng 2012.

Ang pagtaas ay dahil sa rate-rebasing na ginawa ng Manila Water para sa 2008-2012. Ayon sa rate-rebasing nito, magtataas ang singil nito diumano dahil sa mga inaasahang gastos na P187-bilyong para sa capital investment at operational expenditure program ng Manila Water sa loob ng susunod na 15 taon. Ang mga nakikitang malaking investment ay para sa gastos para sa bagong pagkukunan ng tubig (new water sources), environment and watershed management, at disaster preparedness.

Susunod na ring magtataas ang Maynilad Water Services, Inc. dahil naghahanda na rin ito ng petisyon para sa rate rebasing.

Ang rate-rebasing ay isang paraan ng pagtakda ng singil sa tubig ayon sa Concession Agreement ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Manila Water at Maynilad na pinirmahan noong 1997. Pinapayagan sa paraang ito ang pagtakda ng kompanya ng mga target para sa pagpapabuti o improvement daw sa serbisyo nito, ganundin ang tantyang gastusin sa kapital at pang-operasyon. Batay dito, ay itatakda na ang magiging singil sa tubig para sa limang taon. Nababago ang presyo o singil sa tubig upang ma-rekober ng kumpanya ang mga dating hindi nabawi ganundin ang mga hinaharap na gastusin.

Ang masakit dito sa rate-rebasing, kokolektahin na sa mga konsyumer ang iniisip o tantya pa lang na mga gagastusin ng kumpanya ng tubig. Ibig sabihin, wala pa ang mga proyekto, pinagbabayad na tayo. Wala rin tayong kasiguruhan kung matutuloy nga ito.

Ayon sa grupong Freedom from Debt Coalition. Kwestiyonable ang batayan ng pagtaas sa singil sa tubig. Isa na rito ay ang pagsama sa kompyutasyon ng non-existent project o proyektong hindi pa nangyayari tulad ng Laiban Dam na pagkukunan daw ng tubig sa lumalaking pangangailangan sa tubig sa Metro Manila at iba pang lugar tulad ng Rizal. Malakas ang oposisyon sa proyektong ito na sa pagitang muli ng gobyerno natin at China. May masama na tayong karanasan sa ZTE National Broadband Network project na ipapatupad dapat sa ilalim ng kasunduan ng gobyerno natin sa China. Mabuti na lang at hindi na natuloy ang kasunduang ito.

Marami pang mga kwestyon sa kung papaano nakuha rin ng Manila Water maging ng MWSS Regulatory Office ang halaga ng dapat na itaas sa presyo ng tubig. Nagkaroon nga ba ng ebalwasyon sa naging performance ng Manila Water sa nakaraang limang taon? Nagawa ba nito ang mga sinabi nitong proyekto? Paano ang naging serbisyo nito, nagampanan ba ito ayon sa mga targets nya?

Habang inaalam natin ang kasagutan sa mga katanungang ito mula sa MWSS-RO, mabuti pang mag-ipon-ipon na tayo ng tubig upang hindi masyadong mataas ang gastusin natin sa Enero. Siguradong simot na naman ang ating mga bulsa sa panahong iyan.

(Published in Tanod, December 24, 2007)

Piso lumakas, pero mahal pa rin ang krudo!

Kapag lumalakas daw ang piso kontra dolyar, bababa ang presyo ng ilang produktong inaangkat o binabayaran ng dolyar. Dahil inaangkat rin ang langis, ang presyo nito ay apektado dapat sa paglakas ng piso. Ganundin sa kuryente dahil may mga plantang lumilikha ng kuryente na gumagamit rin ng langis. Apektado rin ang presyo ng kuryente sa paglakas ng piso dahil ang ibang mga utang para sa kapital at operasyon dito ay dolyar ang binabayaran.

Mula halos P50 noong Disyembre 2006, nasa P41 na ngayon ang katumbas ng isang dolyar. At ayon sa ilang mga creditor ng bansa, tinatantyang umabot pa ito sa P37 sa Disyembre sa 2008. Subalit, sa kabila ng mabilis na paglakas ng piso, mabilis rin ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Tinatantya pa ngang umabot ito ng $100 kada bariles sa susunod na taon.

Bakit nga ba patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa? Ang sabi ng mga kumpanya ng langis ay talagang mataas na ang presyo sa pandaigdigang pamilihan dahil sa nagkukulang na ang supply sa laki ng demand sa langis. Mabagal lang daw ang pagbawi nila sa mabilis na pagtaas ng presyo ng langis kaya’t kahit na lumakas na ang piso, hindi bumababa ang presyo dito sa bansa.

Dahil sa deregulasyon sa industriya ng langis, malaya nang nakakapagtakda ng presyo ang mga kumpanya ng langis. Subalit kahit hindi na nabubusisi ng pamahalaan ang pagtatakda ng presyo ng mga oil companies, dapat pa ring gumawa ng aksyon ang pamahalaan upang proteksyunan ang interes ng mga mamamayan.

Napakahalaga ng langis sa ekonomiya at sa pang-araw-araw nating gawain. Hindi lang transportasyon ang apektado sa pagtaas ng presyo ng langis. Lahat na ng produkto, maging mga produktong agrikultura na hinahatid patungo sa pamilihan na gumagamit ng transportasyon ay apektado. Apektado rin ang presyo ng kuryente. Kahit na bumaba nga ang mga bayarin sa dolyar ng mga kumpanya ng kuryente, subalit patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng krudong ginagamit sa paglikha ng kuryente. Sunod-sunod na ang epekto ng mataas na presyo ng langis at kuryente sa mga produkto sa bansa, at maging sa serbisyo.

Ang laking perwisyo nito sa atin laluna’t magpapasko na naman. Kawawang mga kabataan. Kawalan, kalungkutan, sa halip na kasaganaan at kaligayahan ang hatid ng pasko laluna sa milyun-milyong mahihirap na kabataan.

Isang maaaring gawin ng pamahalaan bukod sa pagrepaso sa Oil Deregulation Law ay ang pagtanggal na sa 12% value added tax (VAT) na ipinapataw sa langis at kuryente. Malaking magiging kabawasan ito sa binabayaran sa mga produktong petrolyo at bayarin sa kuryente. Sa kuryente pa lang, kung kumukunsumo ng 300 kwh sa isang buwan ang pamilya, may P200 ang napupunta sa VAT. Kung matagal nang natanggal ang VAT sa langis at kuryente, sana’y napunta na yung pinambabayad dito para pambili ng damit at laruan ng mga bata sa pamilya.

(published in Tanod, December 18, 2007)

Pribatisasyon ng gobyerno, para kanino?

Agresibo ang gobyerno ngayon sa programang pribatisasyon upang makalikom diumano ng dagdag na pera pantustos sa mga gastusin nito. Malaking pinatutunguhan ng pondo ng gobyerno ay para lamang sa utang nito na umaabot na sa P3.8 trilyon. Sa laki ng utang, pinakamalaking alokasyon sa kinikita maging ng kabuuang pondo ng gobyerno ay pambayad lamang dito.

Sa P1.28 trilyong panukalang badyet ng national government para sa 2008, halos 25 porsyento ay magiging pambayad sa interes sa utang. Kaya’t kaunti na lang ang natitira sa iba pang mga mahahalagang gastusin na dapat sana’y makapagpabuti sa buhay ng mga Pinoy.

Hindi raw sapat ang kinikita ng gobyerno mula sa buwis kaya’t kailangan nitong magdadag na pagkukunan ng pondo. Ang dagliang solusyon nito ay pribatisasyon ng ari-arian o kaya’y pampublikong serbisyo. Hindi lang mabawasan daw ang gastusin ng gobyerno para pantustos sa operasyon ng mga ahensyang naghahatid ng pampublikong serbisyo, may makukuha pa raw na dagdag na pondo mula sa pribatisasyon ng mga ari-arian at pampublikong ahensya/korporasyon.

Mas kikita nga ba ang gobyerno sa pribatisasyon? Hindi kaya inililipat lang nito ang kita mula sa publiko tungo sa pribadong kumpanya o pamilya na siyang makakabili sa ari-arian o kontrata upang patakbuhin ang operasyon sa isang pampublikong serbisyo?

Sa ating naging karanasan sa pribatisasyon ngayon, karamihan ng na-isapribado ay mga kumikitang ari-arian at korporasyon ng gobyerno tulad ng Petron. Gustong kumita ng gobyerno, pero may problema yata sa istratehiya nito. Sinabi nga ni Senadora Miriam Santiago noong Huwebes sa ginawang pagdinig ng Joint Congressional Power Commission na ang dapat isapribado ay ang mga non-performing assets o hindi kumikitang ari-arian ng gobyerno.

Kamakailan lang ay isinapribado ng gobyerno ang isang kumikita nitong korporasyon. Animnapung porsyento (60%) ng pagmamay-ari ng gobyerno sa Energy Development Corporation (EDC), isang korporasyon sa ilalim ng Philippine National Oil Company (PNOC). Tulad ng Petron, kumikitang kumpanya ito. Tinatayang kikita ng P7 bilyon ang EDC ngayong taon. Kapalit ng ibinayad na P58 bilyon para sa 60 porsyentong pagmamay-aari sa EDC, siguradong tiba-tiba ang nakabiling Red Vulcan Holdings Corporation, na pag-aari ng isang consortium na pinangungunahan ng kumpanya ng Lopez na First Generation Holdings.

Panandaliang ganansya lang ang makukuha ng gobyerno sa pribatisasyong ito kapalit ng habambuhay na kawalan o kabawasan sa pagkakakitaan.

Isa pang kumikitang korporasyon na nasimulan na ang proseso sa pagsasapribado ay ang National Transmission Corporation (Transco). Kumikita ito kada taon ng P15 bilyon. Ang grupong Monte Oro Grid Resources Corp. at State Grid Corporation of China ang nanalo sa bidding para sa 25 taong kontrata para patakbuhin at pangasiwaan ang Transco. Ilang maiimpluwensyang pamilyang na-ugnay dito ang posibleng kumita ng malaki. Sinasabi ng ilang mga kampo ito raw ay sina Enrique Razon, direktor at may-ari ng mayamang International Container Services Terminal Inc. (ICTSI), at maging ang kapatid diumano ni Pangulong Arroyo na si Buboy Macapagal. Tila maging si Jose Ibazeta, presidente ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na siyang nagsagawa ng bidding para sa pribatisasyon ng Transco, ay kikita rin yata dito dahil isinasabit siya sa kanyang pagkakaroon ng kaugnayan kay Razon na isang sa mga nagmamay-ari sa Monte Oro Grid Resources. Sinabi ni Ibazeta sa JCPC hearing na malapit nyang kaibigan si Razon, isa rin syang Direktor at tagapagmay-ari sa ICTSI kasama si Razon.

Hahayaan na lang ba nating pakawalan ang mga yamang ito na posibleng magpabuti sa ekonomiya at buhay nating mga Pinoy? Nasa atin rin ang kasagutan dyan. Nasa atin kung makikialam tayo o mananahimik na lang.

(published in Tanod, December 16 & 17, 2007)

PSALM wala raw kapabilidad... Patay tayo diyan!

Mismong sa bibig ng presidente ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) nanggaling ang pag-aming wala itong kapabilidad upang malaman ang identidad ng mga kumpanyang lumalahok sa bidding sa mga isinasapribadong ari-arian ng pamahalaan. PSALM ang ahensya ng gobyernong namamahala sa pagsasapribado sa National Power Corporation (NPC) gayundin ng National Transmission Corporation (Transco).

Sa pakikipag-usap sa PSALM ng mga grupong Freedom from Debt Coalition (FDC) at National Association of Electricity Consumers for Reforms (NASECORE) noong Biyernes, sinabi ng mukhang kastilang presidente ng PSALM na si Jose Ibazeta na ibinibigay na nila sa Securities and Exchange Commission ang pag-alam sa identidad ng mga bidders. Hiniling ng FDC at Nasecore kay Ibazeta na suriin munang mabuti ng PSALM ang mga bidders, tulad ng Two Rivers Pacific Corporation (“Two Rivers”), kung tunay ngang may pagmamay-ari o kapital ng hindi bababa sa 60% sa kumpanya ang mga Pilipino. Ayon kay Ibazeta, dati pang nakapagbigay na ng opinyon ang SEC ukol dito at sinabi nitong natupad naman diumano ng mga bidders ang probisyon sa Konstitusyon ukol sa Pilipinong pagmamay-ari sa kumpanyang magpapatakbo ng isang public utility, Transco sa partikular.

PSALM ang binigyan ng mandato ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang salain ang mga lumalahok sa bidding at malaman kung karapat-dapat nga bang maibigay dito ang pagmamay-ari at/o pagpapatakbo sa isang napakahalagang utilidad sa kuryente.

Nakakalungkot malamang iniaasa lang pala ng PSALM ang pag-alam sa napakahalagang bagay na ito sa isang ahensya na wala namang responsibilidad sa ilalim ng EPIRA upang gampanan ang tungkuling dapat nitong ginagampanan. Kaya’t hindi na kataka-taka kung ang gagawin lang ng SEC ay ayon sa kung anumang dokumentong may hawak ito at hindi na magpapakahirap pang halughugin ang iba pang mga records na wala sa kanya.

Sa kaso ng Two Rivers, talaga namang lumalabas na puro Pinoy ang nagmamay-ari nitong kumpanya ayon sa nakasaad sa Certificate of Incorporation nito na hawak ng SEC. Ang tanong eh, inalam pa kaya ng SEC kung sinu-sino ang nagmamay-ari sa isang kumpanyang subscriber din sa Two Rivers? Mukhang hindi na. Dahil ayon sa PSALM, nagbigay na raw ng opinyon ang SEC na natupad naman ng Two Rivers at ng iba pang mga kumpanyang nais mag-bid sa Transco ang rekisitong 60% Filipino ownership.

Kawawang masang Pilipino. Sa ganitong paraan, na iniaasa ng PSALM sa ibang ahensya ang dapat sana’y obligasyon nitong alamin kung tunay ngang nasunod o natupad ng mga kumpanyang magbi-bid ang lahat ng mga rekisito, walang aasahang proteksyon ang interes nating mga Pilipino. Maaaring maging ang iba pang mga kumpanyang sinasabing natupad ang rekisitong ito ay sabit din. At hindi malayong mangyari, dahil nga ang laki ng kapital na kinakailangan sa Transco.

Sa ganitong sitwasyong hindi ganap na maaasahan ang mga ahensya ng pamahalaan na dapat talaga ay nagbabantay sa interes ng mamamayang Pilipino, lalong kinakailangang maging mapagmatyag tayo. Tandaang ang anumang magaganap o magiging resulta nito ay may kaakibat na epekto sa susunod na salinlahi – sa ating mga anak at magiging apo.
(published in Tanod, 10 December 2007)

Saturday, January 12, 2008

TRANSCO sa atin ngayon, kanino na bukas?

Ilang maiimpluwensyang pamilya sa bansa maging mga dayuhang kumpanyang pag-aari ng kanilang estado ang nagpakita ng malaking interes na makuha ang konsesyon sa pagpapatakbo sa National Transmission Corporation (Transco) sa loob ng 25 taon. Kapag nakuha kasi nila ito, hindi lang sigurado ang kita, kanila pa ang kontrol at ang “power” dito sa bansa.

Tinatayang nagkakahalaga ng $3 bilyon o P126 bilyon (sa palitang $1=P42) at kumikita umano ng P15 bilyon kada taon ang Transco kaya itinuturing itong “crown jewel” ng bansa. Isa itong monopolyo at animo tollgate sa kuryente. Ang kuryenteng manggagaling sa mga power plants ay dadaan muna dito bago makarating sa patutunguhan. Kapag isinara ang “tollgate”, hindi makakadaloy ang kuryente patungo sa ating mga bahay, opisina, pabrika, ospital, at iba pa. Ito rin ang may control kung alin o kaninong kuryente ang padadaluyin. Napaka-“powerful” di ba?

Kung susumahin, mas kikita pa ang gobyerno kung hindi nito ibebenta ang konsesyon sa pagpapatakbo ng Transco. Sa loob ng 25 taon, P375 bilyon ang maaaring kita ng gobyerno kung ito ang magpapatakbo sa Transco. Samantalang P126 bilyon lang ang makukuha nya kung ibebenta sa $3 bilyon ang konsesyon o P252 bilyon kung maibebenta sa $6 bilyon.

Apat na grupo ang naghahanda na sa bidding para sa konsesyon sa Transco sa Disyembre 12. Kung sa palengke, pababaan ang tawaran, sa bidding ng Transco, pataasan ng presyo ang usapan. Doble pa ng tantyang halaga ng Transco ang posibleng magiging bid price para sa Transco.

Bawat grupo ay binubuo ng dayuhan at Pilipinong kumpanya, bilang pagsunod sa batas na ang mga kumpanyang magpapatakbo ng public utilities tulad ng Transco ay dapat may hindi bababa sa 60% ang kapital o pag-aari ng Pilipino dito. Ito ay upang pangalagaan ang pambansang interes.

Subalit sa laki ng halagang sangkot dito, kaya nga ba ng kumpanyang Pinoy na makaipon ng sapat na kapital upang maabot kahit na 60% kapital sa kumpanyang bibili ng konsesyon?

Isa sa mga bidders ay ang Pilipinong kumpanya daw na Two Rivers Pacific Holdings Corporation (Two Rivers) ni Manny Pangilinan, nag-mamay-ari ng PLDT. Ayon sa mga dokumento sa Securities and Exchange Commission at ilang mga annual reports ng mga kumpanyang kinapapalooban ni Manny Pangilinan tulad ng Metro Pacific Investments Corporation, Metro Pacific Holdings Inc., at dayuhang kumpanyang First Pacific Corporation Limited (FPCL), mahigit 90% pala ang pag-aari sa Two Rivers nitong FPCL – isang investment at management company na naka-himpil sa Hong Kong at may operasyon sa Asya.

Mantakin nyo, sa P10 milyong kapital ng Two Rivers, P500 lang ang pag-aari rito ng mga Pilipinong imbestor nito, isa na rito si Manny Pangilinan. Tig-P100 lang bawat isa sa limang Pinoy na imbestor. Samantala, ang 99.995% o P9,999,500.00 ay pag-aari ng Metro Pacific Investments Corporation. Subalit, ang MPIC ay 92.83% na pag-aari ng Metro Pacific Holdings Corporation na 100% namang pag-aari ng dayuhang FPCL.

Dapat lang tingnang muli ito ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) bago ang pagsasagawa ng bidding ng Transco. Ang PSALM ang dapat na nag-iiksamin sa mga bidders kung natupad ba nito ang mga rekisitos at kung karapat-dapat nga ba itong magpatakbo ng Transco na lubhang napakahalaga sa ating ekonomiya maging sa pang-araw-araw na buhay natin. Pambansang interes ang nakasalalay dito.

Baka naman mauwi ang Trans co sa trans-national power corporation ng ibang mga bansa. Isang araw, baka magising na lang tayong tuluyan na at literal nang nasa mga dayuhan ang power sa bansa. Kung sabagay, mukhang hindi naman talaga ito kailanman nawala.



(Tanod, December 8, 2007)