Kamakailan lamang ay sinabi ni Department of Trade and Industry Secretary Peter Favila na side issue lang diumano ang pagpapataw ng panibagong tax o buwis sa text messaging. Si Press Secretary Ignacio Bunye naman ay nagsabing hindi na raw itutuloy ng Malakanyang ang ganitong panukala. Ito’y matapos ulanin ng batikos mula sa iba’t ibang indibidwal at grupo ang balak na pagpataw ng tax sa text messaging.
Dapat lang i-scrap na ng mga opisyal ng gobyerno ang planong pagpataw ng tax sa texting. Pati ba naman kasi texting na siyang pinakamurang paraan na ng komunikasyon ng karamihan sa bansa laluna nang mga hindi makapagpakabit ng telepono ay balak pang buwisang muli ng gobyerno natin.
May value added tax (VAT) nang ipinapataw sa kasalukuyan sa serbisyo ng telecommunication companies. Ang panukala ngayon sana na inaatras na ng gobyerno diumano ay maging P1.50 na ang singil kada padala ng text. Ang 50-sentimos ay mapupunta dapat sa gobyerno bilang dagdag na kita nito upang mabawi ang anumang mawawalang kita mula sa pagbawas ng 1% sa taripa ng imported na langis. Kaya, hindi kataka-takang naging matindi ang reaksyon ng taumbayan rito laluna ng mga nasa middle income at naghihirap na mamamayan.
Sa bilang noong magsara ang taong 2007, umaabot na sa humigit-kumulang 55 milyon ang subscribers ng cellular phones. Sa average ay 500 milyon hanggang 800 milyon ang text messages ang hinahawakan kada araw ng isang telecommunication (cellular) company.
Maraming beses na ring pinag-initan ng ilang mga opisyales ng gobyerno ang pagpapataw ng tax sa texting. Sa tuwing mangangailangan ang gobyerno ng dagdag na kikitain ay nakabaling agad ang paningin nito sa kung saan madaling kumita tulad ng pagpapataw ng buwis sa nakonsumong produkto o serbisyo. Ang mga middle income at mahihirap na indibidwal ang agad na naapektuhan sa ganitong klase ng pagkakakitaan ng gobyerno.
Handa namang magsakripisyo ang mga mamamayan para sa bayan. Subalit, mahalagang makita kung sa kapaki-pakinabang mapupunta ang kanilang pagsasakripisyo at dapat ay pantay-pantay ang pagsasakripisyo kung hindi man kayang ang mas nakakaalwan sa buhay na lang ang magsakripisyo.
Para saan nga ba ang dagdag na kitang hinahabol ng gobyerno? Para sa mga imprastraktura at serbisyo nito? Kung sa mga imprastraktura, maraming rito ang kwestyonable ang mga kontrata. Malaki ang inuutang o pondo ng gobyernong napupunta para sa mga imprastraktura o ibang proyekto na overpriced at ang ilan naman ay sub-standard. Malaki ang malilikom na pera ng gobyerno kung magiging malinis ang mga kontratang pinapasok nito.
Nakikinabang pa rito ang mga mayayaman na. Pagdating naman sa binubuwisan, kahit na patawan ng buwis ang texting, hindi ito iindahin ng mga mayayaman. Ipinapakita sa datos ng National Statistics Office na lalong lumalaki ang agwat ng mayayaman at mahihirap ngayon dito sa bansa. Ang 1.74 milyong pinakamayayamang pamilya sa bansa ay kumita ng 36 porsyento ng kabuuang mahigit P3 trilyon o $74 bilyong kita ng lahat ng mga pamilya noong 2006. Ang average na kita ng pamilya sa isang araw ayon sa NSO ay $12 lamang, wala pang P500.
Ang texting ay pwede namang bawasan o isakripisyo ng mamamayan, kung hindi talaga kaya ng kanilang bulsa ito, upang mabigyang prayoridad ang pambili ng pagkain at iba pang pangangailangan tulad ng tubig at tirahan. Pero, bakit lagi na lang mga mahihirap ang mas nagsasakripisyo?