Tuesday, February 26, 2008

PEBRERO 25: Pagbabago muling isinigaw!

Dalawampu't dalawang taon makalipas ang makasaysayang EDSA Revolution o ang tinatawag na People Power I ay muling pinuntahan na naman ng mga progresibong grupo ang EDSA shrine na naging simbolo ng pagbabago noong 1986. Ang EDSA Shrine ay hindi na lamang pinupuntahan upang gunitain ang makasaysayang pagpapatalsik ng taumbayan sa diktador na si Marcos. Ang EDSA shrine ay naging simbolikong lugar na pinupuntahan ng mga tao na ang hangad ay pagbabago at ayaw na sa umiiral na sistema ng gobyerno.

Taong 2001, nagkaroon ng EDSA II o People Power II sa EDSA kung saan ay muli na namang nagwagi ang taumbayan sa pagpapalit ng gobyerno sa isang mapayapang paraan. Ilang araw lamang makalipas nito ay nagkaroon na naman ng pag-aalsa ng masa, subalit hindi ito kasing laki ng mga naunang EDSA uprising. Eto naman ay tinawag na EDSA III. Ang malaking pinagkaiba nito sa mga naunang dalawang EDSA uprising ay talagang pinangunahan itong EDSA III ng masa -- yung tinawag nga ng iilan na mababaho, marurumi, at gusgusing mamamayan ng lipunan na siyang hindi nakatikim ng pagbabagong isinigaw makailang ulit sa EDSA.

Noong 2006 -- dalawang dekada na makalipas ang pagpapatalsik kay Marcos -- habang matindi ang panawagan sa pagpapaalis sa Presidente dahil sa malakas na alegasyong nandaya ito sa eleksyon noong 2004, muling dadagsain sana ng mamamayan ang EDSA Shrine. Subalit dahil na rin sa tindi ng init noon at malaking takot ng Pangulo na maulit ang nangyari kay Marcos at Estrada, pinigilan nya na ang makapunta pa ang mamamayan sa EDSA Shrine sa pamamagitan ng paglalabas ng Executive Order 1017 na animo'y tulad ng PD 1081 ni Marcos noon na sumagka sa karapatan ng mga tao na magkaroon ng mapayapang asembliya sa mga pampublikong lugar.

Hindi pa rin ganap na nakalapit ang mamamayan sa EDSA Shrine noong Pebrero 2007 upang gunitain ang simbolikong pagkamit nila ng kalayaan mula sa diktador, korupt, at mapanupil na mga nakalipas na administrasyon. Taliwas sa simbolong kapayapaan ng EDSA shrine, makikita na lang tuwing People Power Anniversary ang mga pulis na nakapalibot sa Shrine upang pigilan ang taumbayan na magkaroon ng asembliya roon.

Ngayong taon, sa kabila ng pagbabantay ng mga pulis sa Crame pa lang, nagawang makarating ng grupong Laban ng Masa sa EDSA Shrine. Halos isang libong miyembro nito ay nandoon sa paligid ng Shrine upang muling isigaw ang hangad na tunay na pagbabago. Ngunit tulad pa rin ng mga nakalipas na mga taon, bantay-sarado ng mga pulis ang EDSA Shrine. Pati mga taong hindi organisado at naging gawi na magsimba sa Shrine ay natatanggalan tuloy nito ng karapatang magsimba.

Naging matingkad tuloy lalo ngayon na hindi lang civil at political rights ang nalalabag ng gobyerno kundi maging ang religious right ng mamamayan na makapagsimba ay nalalabag na rin. Ang Shrine naman ay talagang simbahan, huwag naman sanang sagkaan pati ang karapatan ng mamamayan na magsimba.

Sa ganitong sitwasyon na halos talagang ginigipit na ang mamamayan dahil sa pagsikil sa kanilang mga karapatan, lalo lamang mag-uumalpas ito tulad ng lagi nang kinakanta na "ibon man may layang lumipad. kulungin mo at umiiyak. Bayan pa kayang sakdal-dilag, ang di magnasang makaalpas? Pilipinas kong minumutya. Pugad ng luha at dalita. Aking adhika, makita kang sakdal laya..."Sana nga magkaroon na ng tunay na pagbabago, ng hustisya, kalayaan at kapayapaan ... at sa isang mapayapang paraan muli nating makamit ito.

Lucena City, 1st Biofuels City na!

Sa kabila ng malakas na pag-ambon noong Pebrero 21, excited ang mga taga-Lucena City sa pangunguna ni Mayor Ramon Talaga Jr. Iyon kasi ang araw na pormal nang inanunsyo sa publiko ang pagiging kauna-unahang Biofuels City ng Lungsod ng Lucena.

Target ng siyudad na magkaroon ng 20 porsyentong halo ng biofuels ang mga fuel na ginagamit o ibinebenta doon. Magiging sentro rin daw ang siyudad ng testing at processing ng biofuels sa bansa, sa partikular ay biodiesel mula sa niyog o kopra. Kaugnay ng pagiging Biofuels City ng Lucena, ang extension office ng National Biofuels Board (NBB) ay pinasinayaan din ng araw na iyon.
Pinirmahan ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng gobyerno ng Lucena at iba't ibang mga ahensya ng National Government na miyembro ng NBB tulad ng Department of Energy, Department of Agriculture, Philippine Coconut Authority.

Gagawing sentro ng biodiesel ang Lucena City bilang lugar sa Pilipinas na may malaking produksyon ng niyog. Wika nga ng mga tagapagsalita mula sa Lucena, sa pagiging Biofuels City ng siyudad, ang animo'y nagtatakipsilim nang industriya ng niyog sa lalawigan ay magbubukang liwayway na raw. Sa katunayan, napakalaki na ng itinaas ng presyo ng niyog ngayong mga araw, P34 na bawat isa ito. Samantalang noong 2004 ay nasa P7 hanggang P8 lamang ito. Itinuturing na dulot ng pagdevelop ng biofuels industry sa lalawigan at iba pang mga lugar ang pagtaas ng bili sa niyog. Ito ay hindi maipagkakailang malaking tulong sa mga magsasaka.

Hindi lang mga magsasaka ang nandoon sa okasyong iyon. Maging ang mga nasa transport sector – pampubliko man o pribado – ay nandoon din. Ayon sa consultants sa vehicle testing and emission, may mga pag-aaral na diumano sa ibang bansang gumagamit ng biodiesel tulad ng France na hindi lang malaking tipid sa presyo ng diesel ang buting naidulot ng biodiesel sa mga motorista, mas naging malayo rin ang kayang takbuhin ng mga sasakyan kung ikukumpara sa sasakyang gumagamit ng regular na diesel.

Samantala, maging mga negosyante sa Lucena at Quezon ay tulong-tulong din sa pag-abot sa hangaring maging tunay na biofuels City ang Lucena. Ayon sa tagapagsalita ng Lucena-Quezon Chamber of Commerce, kampanya nila ang 25-25-25 – nangangahulugan ito ng 25 milyong puno ng niyog na itatanim sa 25,000 hektaryang lupain sa loob ng 25 taon.

Napakaganda nga kung magkakatotoo ito. Bukod sa magiging mas malinis ang hangin sa lugar, mababawasan ang polusyon, napakalaking tulong hindi lang sa mga motorista kundi maging sa mga negosyo at sa buong mamamayan ang pagbaba sa gastusin sa fuel sa sasakyan.
Sana maging matagumpay ito at masundan na ng iba pang mga lugar lalung lalo na ng Metro Manila.

Notes sa Philippine Energy Summit (Last Part)

Marami pang iba’t ibang mga rekomendasyong lumabas sa unang tatlong araw ng Philippine Energy Summit. Ilan rito ay ang nagkakaisang suhestiyon na maisabatas na ang Renewable Energy Bill upang makatugon sa usaping seguridad sa supply ng enerhiya gayundin ang pagtugon sa lumalalang kondisyong global warming o climate change.

Ang isang katanungan na lang rin sa pagpromote ng renewable energy ay ang usaping pampinansya. Ito ang isang malaking concern tulad ng taga-Nueva Vizcaya na may ilang micro-hydropower projects sa kanilang lugar. Ang isang positibong idinulot ng summit ay napag-ugnay ang mga pagkukunan ng enerhiya at pagkukunan ng pinansya para sa proyektong ito.

Ang pinakaabangan pa rin ng karamihan laluna ng mga konsyumer ng langis at kuryente sa nangyaring summit ay ang malinaw at kongkretong hakbang na maaaring sumagot sa mataas na presyo ng kuryente, sa mas maigsing panahon kung maaari. Kaya nga isa sa mga workshops na dinagsa sa summit ay ang workshop tungkol sa pagpapababa sa kuryente. Karaniwang rekomendasyon ng mga ahensya ng gobyerno ang pabilisin ang pribatisasyon ng Napocor pati ang paglipat ng mga kontrata nito sa mga independent power producers (IPPs) sa independent administrator. Nariyan rin ang pabilisin ang pagpapatupad ng open access at retail competition. May isang rekomendasyon mula sa dating Undersecretary ng Department of Energy na tanggalin ang mga taxes sa generation, transmission, at distribution ng kuryente upang mapababa ang singil sa kuryente sa mga konsyumer.

Subalit, ang hindi nailalabas sa report sa summit ay mga rekomendasyong nanggaling sa mga konsyumer, consumer groups, people’s organizations, at iba pang civil society groups na lumahok sa workshop. Isang halimbawa ay ang rekomendasyon ng Freedom from Debt Coalition at alyansang Empower Consumers na kanselahin dapat ang mga madadayang kontrata sa mga IPPs dahil ito ang isang pangunahing dahilan kung bakit patuloy na mataas ang singil sa kuryente sa bansa. Dapat rin daw busisiin ang mga utang ng Napocor at itigil ang pagbabayad sa mga maanomalyang transaksyon o ilehitimong utang ng ahensya nang hindi nahihirapan sa pagbabayad ang mga konsyumer gayundin ang gobyerno.

Sa pinal na araw ng summit noong ika-5 ng Pebrero, si Ginang Gloria Arroyo na ang nagbigay ng resulta ng halos isang linggong pag-uusap. Ang kanyang mga inilahad ay resulta na ng deliberasyon o pagpopopresong naganap sa Asian Development Bank noong Pebrero 1 hanggang Pebrero 3 kung saan piling mga tao na lang ang nandoon. Kung sinu-sino ang mga ito ay hindi na nasabi sa summit.

Nakakalungkot sa ini-report na resulta ng summit na hindi tinanggap ng pamahalaan ang mga lumabas na rekomendasyon sa unang tatlong araw na pagtanggal o kahit man lang pagsuspindi sa value added tax sa langis ganundin sa kuryente.

Monday, February 11, 2008

Notes sa Philippine Energy Summit (Part 2)

Rekomendasyon rin ng Philippine Energy Summit ang pagkakaroon ng alternatibong langis at iba pang pagkukunan ng enerhiya na malinis at renewable tulad ng solar, wind, mini hydro, at iba pang bio-energy. Maging ang pagkakaroon ng nukleyar na planta ng kuryente ay lumabas ding isang opsyon. Itong mga rekomendasyon ay tumutugon din diumano sa problema sa climate change o global warming. Biofuels naman ang pino-promote sa alternatibong langis. Sa katunayan ay may batas na tungkol dito. Ilang halimbawa ng mga pagkukunan nito ay jatropha, tubo (sugarcane), mais, at malunggay.

Sa usapin ng malinis at renewable na enerhiya, malaking tanong kung bakit sa kabila ng matagal nang proposal na i-develop ang paggamit sa solar energy, wala pa ring gaanong suporta ang ibinubuhos para dito ng gobyerno natin. Bilang isang bansang nasa tropical region at matindi ang sikat ng araw, napakalaki ng potential ng solar energy. Mas magiging kapaki-pakinabang at cost-efficient ito laluna sa mga lugar na hindi konektado sa national grid ng kuryente. Sa halip, ang isang maingay na proposal ngayon ng gobyerno na pinalalabas na suportado ng mga siyentipiko ay ang paggamit ng nukleyar na enerhiya. Malaki lang raw ang gastos sa pagtatayo ng planta nito sa simula, pero lumalabas na higit na mas mura ang halaga ng kuryenteng nagmumula dito kalaunan. Mas malinis din daw itong klase ng enerhiya. Ginamit na halimbawa pa ang Japan kung saan mahigit singkwenta ang nuclear power plants doon pero hanggang ngayon ay hindi pa nangyayari ang disgrasya tulad ng sinapit sa Chernobyl sa Soviet Union noong 1986.

Sa paggamit na halimbawa sa Japan, dapat ding tingnan ang klase ng gobyerno kung ihahalintulad ang paggamit ng nuclear power plant doon sa pwedeng mangyari rin dito sa Pilipinas. Hindi tulad ng Japan, ang Pilipinas ay kilala sa korupsyon at hindi maayos na pamamahala. Sa korupsyon pa lang, maaaring ikapapahamak na natin ito dahil posibleng sub-standard ang mga materyales na gamitin at hindi maayos ang pagkakatayo ng nuclear plant.

Marami ang tutol sa pagtatayo ng nuclear power plants sa bansa dahil sa posibleng ikapapahamak ng buhay ito ng komunidad na malapit doon sakaling pumutok ito o magkaroon ng disgrasya tulad ng sinapit sa Chernobyl kung saan ang isang nuclear reactor ay pumutok at nagresulta sa iba pang mga pagsabog sa planta na naging sanhi ng malaking sunog sa lugar at naging sanhi ng pagkakaroon ng radioactive fallout ng mga sumabog na particles sa ere. Hindi lang sa lugar sa Soviet Union umabot ang mga maliliit na radioactive particles. Ang aksidenteng ito na ang tinaguriang pinakagrabeng nangyari sa isang nuclear power plant na nagresulta sa kamatayan ng maraming tao at hanggang ngayon ay dala-dala pa rin ng mga nabubuhay ang hindi magandang epekto nito sa kalusugan tulad ng pagkakaroon ng cancer.

Sa usapin naman ng biofuels, ang posibleng epekto ng pagtatanim ng mga halaman para pagkunan ng fuel sa seguridad sa pagkain ang naging karaniwang subject ng presentasyon sa summit ukol sa alternative fuel. Ang usaping pagkain o fuel kasi ang karaniwang diskusyon sa usapin ng biofuels. Ang samahan ng mga magsasaka at maging ang isang negosyanteng nasa sugarcane industry na nagbigay ng presentasyon sa summit ay sumasang-ayon na sa pagtatanim ng para sa biofuels. Subalit ang samahan ng mga magsasaka ay may pasubali pa rin. Ayon sa kanila, dapat pag-aralan pa ring mabuti ang epekto ng pagtatanim para sa biofuels sa produksyon ng pagkain sa bansa.

Ang jatropha pala ay malakas sa tubig, bukod pa sa mataas daw ang level ng toxicity nito o yung nakakalason sa tanim na ito. Maganda rin namang magkaroon tayo ng alternatibong pagkukunan ng langis sa bansa, pero dapat ay hindi naman masasakripisyo ang ating pagkain at kaligtasan laluna ng mga nagtatanim nito. Ang malunggay ay isa marahil magandang mapag-aralan at ma-develop pa. Ang bunga pala nito kasi ang pagkukunan ng fuel. Ibig sabihin, pwede pang magamit ang masustansiya nitong mga dahon – maaaring pagkain o kaya ay fertilizer.

Monday, February 4, 2008

Notes sa Philippine Energy Summit (Part 1)

Pangunahing adyenda diumano ng Philippine Energy Summit ang isyu ng mataas na presyo ng langis ganun din ng kuryente. Sa mga tinalakay na usapin sa unang tatlong araw, halos nagkakaisa ang mga tagapagsalita na ang mga sumusunod ay mga isyung dapat tugunan: patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, kawalan ng seguridad sa supply ng langis at enerhiya sa bansa, mataas na presyo ng kuryente sa bansa, at ang hindi mahusay o inefficient na paggamit sa enerhiya. Sa ganitong asesment sa sitwasyon ng enerhiya umikot ang iba’t ibang mga proposal at rekomendasyon sa tatlong araw na talakayan at workshop.

Ang mga ito ay repleksyon rin ng direksyong gustong patunguhan ng Energy Summit batay sa website ng Department of Energy. Ayon dito, ang mataas na presyo raw ng langis ay makakasakit sa ekonomiya ng bansa at kay Juan dela Cruz sa maigsing panahon. Subalit, ito rin daw ay makakapagpabilis ng pagdevelop ng mga alternatibong langis at iba pang pagkukunan ng enerhiya, ganundin ng pagpapatupad ng mga “creative” na solusyon ng iba’t ibang mga sektor at ng mga tao.

Sa sitwasyong ipinakita sa summit, lubos na dependent o umaasa ang Pilipinas sa inaangkat na langis. Kaya, tuwing tataas ang presyo nito sa pambansang pamilihan ay nasasaktan tayo nang husto laluna ngayon na umaabot ang presyo nito sa $100 kada bariles. Ang rekomendasyon ng karamihan ng mga tagapagsalita sa summit ay magtipid sa paggamit ng enerhiya o langis, magkaroon ng alternatibong langis at pinagkukunan ng malinis at renewable na enerhiya, at magkaroon ng subsidyo laluna sa mga mahihirap na sektor na higit na maapektuhan ng mataas na presyo ng langis. Dapat din daw tumutugon ito sa climate change o global warming. May rekomendasyon ding suspindihin o di kaya ay tuluyan nang itigil ang implementasyon ng value added tax (VAT) sa langis laluna sa diesel, kerosene, at 11-kg na LPG. May proposal din na pabilisin ang pagpapatupad ng paggamit ng compressed natural gas (CNG) sa mga bus.

Sa pagtitipid ng enerhiya o langis, maaaring simulan daw ito sa paggamit ng compact fluorescent lamp (CFL) o yung mas kilala natin na mga energy saving lamps. Ang isang 5 watts na bumbilya ng CFL ay katumbas ng 25 watts na incandescent na bumbilyang madalas na gamit sa mga tahanan laluna sa mga mahihirap na lugar dahil ito ay mura. Medyo mas mahal ang CFL, pero mas malaki ang matitipid ng bawat pamilya sa konsumo nila sa kuryente. Ganun din ang gobyerno, makakatipid sa paggamit ng langis para sa produksyon ng kuryente. Maganda ang lumabas na proposal na bigyang subsidyo ng gobyerno itong pagpapalit ng incandescent ng CFL sa mga mahihirap na pamilya.

Ayon sa Senior Energy Specialist ng Asian Development Bank na nagsalita sa unang araw, ang 1,000,000 CFL ay katumbas ng isang bagong 50-megawatt na power station. Subalit $1.5 milyon lamang ang gagastusin sa CFL samantalang $50 milyon ang gagastusin sa planta ng kuryente. Ito ay dahil ang isang milyong CFL na may lakas o liwanag na 13-watts ay may kabuuang lakas na 13 milyong watts o 13 megawatts. Samantalang ang 1 milyong 60 watts na incandescent na bumbilya ay may kabuuang lakas na 60 milyong watts o 60 megawatts. Ang liwanag na naibibigay ng 60 watts incandescent ay pareho lang sa liwanag na naibibigay ng isang 13-watts na CFL na bumbilya. Halos 50 megawatts ang matitipid sa kuryente kung CFL ang gagamiting bumbilya.

Isang rekomendasyon pa sa pagtitipid sa enerhiya ay ang pagsasabatas ng Energy Conservation Act upang obligadong sundin ng mga tao ang iba’t ibang paraan sa pagtitipid ng enerhiya.

Saturday, February 2, 2008

Krisis o Oportunidad

Nagmistulang promotion ng posibleng negosyo sa sektor sa enerhiya ang itsura ng tatlong araw na pre-Energy Summit nitong nakaraang Enero 29-31, 2008 sa SMX Convention Center sa SM Mall of Asia. Sa titulo pa lang ng Energy Summit na “Crisis or Opportunity” na nakasulat sa bariles ng langis na may nakakabit na price tag na $100, mapapaisip na ang dadalo doon kung ano ba ang pokus o nais abutin ng Summit.

Punong-puno ng mga tao ang Function Room na pinagdausan ng Energy Summit. Umabot diumano sa 900 hanggang halos 1,500 ang dumalo sa tatlong araw na pulong. Mukhang mas marami ang naimbitahan ng mga organizers nitong summit na tutugon sa usapin ng oportunidad sa pagtaas ng presyo ng langis. Nandoon ang mga kinatawan ng Asian Development Bank, USAID, JICA, mga kumpanya ng langis, kuryente, bio-energy, biofuels, electric cooperatives, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa sektor ng enerhiya.

Sa dami ng mga nagsipuntahang pribadong sektor, maaaring maituturing na tagumpay nga ang gobyerno sa unang tatlong araw ng Energy Summit. Subalit, ano ba talaga ang gustong sagutin ng Energy Summit?

Konti ang mga consumer groups, non-government organizations, at people’s organization na nagmula sa hanay ng nakararaming mga Pilipinong higit na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at kuryente na nandoon sa Summit kung ikukumpara sa bilang ng mga nasa business sektor na nandoon.

Nandoon ang iba’t ibang mga transport groups at mga non-government organizations (NGOs) pero iilan lang talaga ang nakatanggap ng imbitasyon mula sa Department of Energy na siyang nag-organisa ng summit.

Hindi tuloy posibleng maaasahan na ang mga suhestiyon ng kakaunting mga konsyumer na nandoon ay posibleng mabigyang pansin sa mismong Summit na gaganapin sa Pebrero 5. Katunayan nito, sa unang araw pa lang ay paulit-ulit na ang ilang mga grupo ng sektor ng transportasyon at manggagawa sa pagrekomendang dapat tanggalin ang value added tax (VAT) sa langis upang hindi masyadong mabigat ang epekto ng mataas na presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan sa mga konsyumer sa bansa. Subalit, sa recap o summary ng mga napag-usapan ng unang araw na ibinahagi sa simula ng pangalawang araw ng pulong ay “nakaligtaan” diumanong isama ang rekomendasyong ito.

Kapansin-pansin ding sa workshop tungkol sa pagbaba ng presyo ng kuryente, walang tagapagsalita mula sa grupo ng konsyumer na kabilang sa panel of reactors. Marami pang mga workshops na ang gaganda ng mga topics pero maliit ang lugar upang mapagkasya ang mga participants. Sayang tuloy ang mga workshops upang mapag-usapan pa nang husto ang iba’t ibang mga isyu o katanungan kaugnay sa usaping tinatalakay sa mga workshops. Pagkatapos magsalita ng mga resource persons ay kaunti na lang ang panahon para sa sharing o iba pang mga katanungan mula sa participants ng workshop.

Maririnig sa tabi-tabi o kaya sa break time ng tatlong araw na pulong ang mga maliliit na mga pulong pa. Ito ay ang mga pag-uusap ng iba’t ibang grupo tungkol sa negosyo o economic partnership. Ano nga ba ang resulta ng Summit? Maganda rin sanang malaman kung anu-ano at ilang “deals” ang nabuo pagkatapos ng tatlong araw na pagpupulong. Alin dito ang sumagot sa krisis, alin ang magbebenepisyo ang nakararaming Pilipino, at anu-anong mga oportunidad ang napagkasunduan?