Dalawampu't dalawang taon makalipas ang makasaysayang EDSA Revolution o ang tinatawag na People Power I ay muling pinuntahan na naman ng mga progresibong grupo ang EDSA shrine na naging simbolo ng pagbabago noong 1986. Ang EDSA Shrine ay hindi na lamang pinupuntahan upang gunitain ang makasaysayang pagpapatalsik ng taumbayan sa diktador na si Marcos. Ang EDSA shrine ay naging simbolikong lugar na pinupuntahan ng mga tao na ang hangad ay pagbabago at ayaw na sa umiiral na sistema ng gobyerno.
Taong 2001, nagkaroon ng EDSA II o People Power II sa EDSA kung saan ay muli na namang nagwagi ang taumbayan sa pagpapalit ng gobyerno sa isang mapayapang paraan. Ilang araw lamang makalipas nito ay nagkaroon na naman ng pag-aalsa ng masa, subalit hindi ito kasing laki ng mga naunang EDSA uprising. Eto naman ay tinawag na EDSA III. Ang malaking pinagkaiba nito sa mga naunang dalawang EDSA uprising ay talagang pinangunahan itong EDSA III ng masa -- yung tinawag nga ng iilan na mababaho, marurumi, at gusgusing mamamayan ng lipunan na siyang hindi nakatikim ng pagbabagong isinigaw makailang ulit sa EDSA.
Noong 2006 -- dalawang dekada na makalipas ang pagpapatalsik kay Marcos -- habang matindi ang panawagan sa pagpapaalis sa Presidente dahil sa malakas na alegasyong nandaya ito sa eleksyon noong 2004, muling dadagsain sana ng mamamayan ang EDSA Shrine. Subalit dahil na rin sa tindi ng init noon at malaking takot ng Pangulo na maulit ang nangyari kay Marcos at Estrada, pinigilan nya na ang makapunta pa ang mamamayan sa EDSA Shrine sa pamamagitan ng paglalabas ng Executive Order 1017 na animo'y tulad ng PD 1081 ni Marcos noon na sumagka sa karapatan ng mga tao na magkaroon ng mapayapang asembliya sa mga pampublikong lugar.
Hindi pa rin ganap na nakalapit ang mamamayan sa EDSA Shrine noong Pebrero 2007 upang gunitain ang simbolikong pagkamit nila ng kalayaan mula sa diktador, korupt, at mapanupil na mga nakalipas na administrasyon. Taliwas sa simbolong kapayapaan ng EDSA shrine, makikita na lang tuwing People Power Anniversary ang mga pulis na nakapalibot sa Shrine upang pigilan ang taumbayan na magkaroon ng asembliya roon.
Ngayong taon, sa kabila ng pagbabantay ng mga pulis sa Crame pa lang, nagawang makarating ng grupong Laban ng Masa sa EDSA Shrine. Halos isang libong miyembro nito ay nandoon sa paligid ng Shrine upang muling isigaw ang hangad na tunay na pagbabago. Ngunit tulad pa rin ng mga nakalipas na mga taon, bantay-sarado ng mga pulis ang EDSA Shrine. Pati mga taong hindi organisado at naging gawi na magsimba sa Shrine ay natatanggalan tuloy nito ng karapatang magsimba.
Naging matingkad tuloy lalo ngayon na hindi lang civil at political rights ang nalalabag ng gobyerno kundi maging ang religious right ng mamamayan na makapagsimba ay nalalabag na rin. Ang Shrine naman ay talagang simbahan, huwag naman sanang sagkaan pati ang karapatan ng mamamayan na magsimba.
Sa ganitong sitwasyon na halos talagang ginigipit na ang mamamayan dahil sa pagsikil sa kanilang mga karapatan, lalo lamang mag-uumalpas ito tulad ng lagi nang kinakanta na "ibon man may layang lumipad. kulungin mo at umiiyak. Bayan pa kayang sakdal-dilag, ang di magnasang makaalpas? Pilipinas kong minumutya. Pugad ng luha at dalita. Aking adhika, makita kang sakdal laya..."Sana nga magkaroon na ng tunay na pagbabago, ng hustisya, kalayaan at kapayapaan ... at sa isang mapayapang paraan muli nating makamit ito.