Sunday, March 23, 2008

Pagtaas ng singil sa kuryente ng Meralco, hindi transparent

Ngayong Marso ay tataas na naman ng halos 20-sentimo kada kilowatthour ang singil sa kuryente. Nangangahulugan ito ng halos P50 hanggang P70 na dagdag sa bayarin sa kuryente para sa mga kumukunsumo ng 250 hanggang 300 kilowatthour sa isang buwan.

Hindi transparent at dahil dito’y kwestyonable ang pagtaas ng Meralco sa singil nito sa kuryente.

Una, nagiging halos piping tagatanggap na lamang tayo ng anunsyo ng mga pagtaas sa singil sa kuryente, partikular sa singil para sa generation. Ito’y dahil awtomatikong ina-adjust ang singil dito kada buwan bunsod ng sinusunod na mekanismong automatic generation rate adjustment (AGRA). Wala nang public hearing o kaya’y konsultasyon pang nagaganap dahil sa sistemang ito. Kaya, madalas sira ang ating mga budget kasi kahit anong tipid o kaya’y kahit katulad pa rin nang nakaraang buwan ang kunsumo sa kuryente, tataas pa rin ang magiging bayarin dito kung ang singil sa generation charge ay tumaas. Tandaang dahil sa VAT sa kuryente, hindi lang ang generation charge sa ating electric bill ang nagbabago. May dagdag pa, dahil may VAT na ipinapataw sa generation charge. Dapat baguhin na ang sistemang ito. Ang anumang pagbabago sa singil sa kuryente ay dapat na idinadaan sa konsultasyon sa mga kumukunsumo nito.

Pangalawa, hindi kapani-paniwalang hindi nakikinabang ang Meralco na kontrolado ng Lopezes sa mga pagtaas sa singil na ito sa generation charge. Maaaring ang Meralco mismo ay hindi nga nakikinabang. Pero ang mga Lopezes na siya na marahil ngayon ang majority owner sa kumpanyang ito ay tiyak na kumikita rito dahil sa kanilang generation companies rin nanggagaling ang malaking porsyento ng binibiling kuryente ng Meralco. Dapat ipagbawal na sa batas ang pagkakaroon ng cross-ownership o pagkakaroon ng pag-aari sa higit sa isang sektor sa industriya ng kuryente upang maiwasan ang kolusyon o manipulasyon sa presyo. Ibig sabihin, kapag nasa distribusyon na ng kuryente, hindi na dapat nagmamay-ari ang isang investor, kumpanya, o indibidwal sa generation company, sa supply, ganun din siyempre sa transmission company. Dapat sa isang sektor lang ng industriya siya ng kuryente magnenegosyo. Kung walang interes ang Meralco sa generation company na pinagkukunan nito ng kuryente, mas Malaya dapat itong nakakapamili ng mapapagkukunan ng kuryente sa mababang halaga.

Pangatlo, sinasabing ang pagtaas ng singil ng WESM – mula P3.40/kwh naging halos P6/kwh – ang sanhi daw ng pagtaas ng singil ng Meralco sa generation charge. Kung 10 porsyento lang ang kinukuha ng Meralco sa WESM, bakit nagawa pa ring ma- impluwensyahan ng presyo ng WESM ang pagtaas sa kabuuang generation charge na sinisingil ng Meralco? Kaugnay ng usapin sa cross-ownership, kung sana’y sinserong namimili sana ng mapagkukunan sa mas mababang halaga ng kuryente ang Meralco, kahit na tumaas ang singil sa WESM, hindi ito gaanong mararamdaman sa pinal na singil ng Meralco. Bukod dito, dapat yatang itigil na muna marahil ang operasyon ng WESM hangga’t hindi nareresolba ang isyu ng price manipulation noong 2006. Halos doble rin ng presyo ng sinundang buwan ang itinaas ng presyo ng kuryente sa WESM ng sumunod na buwan noong panahon iyon. Paano nakasisiguro ang mga mamamayan na wala na ngang nangyayaring price manipulation ngayon?

Transparency ang kailangan natin sa mga transaksyong apektado ang publiko. Gaya ng ZTE-NBN deal na taxpayers ang magdudusa kung matutuloy ang proyektong ito, ang mga pagbabago sa singil sa kuryente ay nangangailangan din ng transparency sa pag-aapruba dito dahil publiko rin ang magbabayad nito.

Sunday, March 9, 2008

Masasagasaan ng planong QC – Central Business District

Humigit-kumulang 16,000 pamilya sa North at East Triangle at mga empleyado ng Veterans Memorial Medical Center at Ninoy Aquino Parks and Wildlife ang matatamaan sa plano ng gobyernong gawing Central Business District ng Quezon City (QC-CBD) ang mga nabanggit na lugar. Alinsunod ang planong ito sa Executive Order 106 na inilabas ni Pangulong Gloria Arroyo noong 2002 na nasundan pa ng Executive Orders 620 at 620-A noong 2007. Sa mga Executive Order rin na ito nakapaloob ang pagbubuo ng Committee na binubuo ng local at nasyunal na ahensya ng pamahalaan na siyang magbubuo at magpapatupad sa planong QC-CBD.

Bagama't ipinapahayag nitong mga EO na isang community-driven development framework sa tulong ng pag-aaral ng World Bank ang siyang susundin sa pagbubuo ng plano sa QC-CBD, kataka-takang nawawalan ng partisipasyon ang mamamayan sa prosesong ito. Sa unang EO, bahagi pa ang mga organisasyon ng mamamayan o mga residente sa North Triangle Development Committee . Pero tinanggal na sila sa Komiteng ito na pinangalanang Urban Triangle Development Commission (Tri-Dev Commission) sa EO 620 na ipinalabas noong 2007.

Mukha ring dalawang malalaking interes ang nandito sa planong QC-CBD na makikita sa pagbabagu-bago ng komposisyon ng Tri-Dev Commission. Sa huling EO, ang kinatawan mula sa tanggapan ng Mayor ng Quezon City ang magiging Chairperson ng nasabing Komisyon at mga kinatawan naman mula sa National Housing Authority at tanggapan ng Upisina ng Pangulo ang mga miyembro. Binago ito ng EO 620-A kung saan ipinasok ang Chair ng Housing and Urban Development Coordinating Council bilang Chairperson ng Tri-Dev Commission at ang kinatawan mula sa tanggapan ng Mayor ng Quezon City ang Co-Chair.

Umaabot sa 250 hektaryang lupa ang nasasakop sa planong QC-CBD. Gagawin sa mga nabanggit na lugar ang mixed use development kung saan papalakasin ang komersyo o ekonomikong gawain ng gobyerno, habang may pagsaalang-alang pa rin sa kalikasan ganun din sa mga nakatira o informal settlers sa lugar. Sa ginawang pag-aaral diumano ng World Bank, may tatlong rekomendasyon upang sagutin ang usapin sa paninirahan at posibleng dislokasyon ng mga naninirahang maralita sa mga lugar na mahahagip ng planong QC-CBD. Isa na rito ang mapanatili halos lahat sa lugar sa pamamagitan ng pagtatayo ng medium rise building (MRBs) at magkakaroon ng sharing sa paggamit ng lupa doon. Kailangang gumastos ng P8.4 bilyon para sa halaga ng lupang masasakop sa rekomendasyong ito. Ang isa pang rekomendasyon ay relokasyon sa loob pa rin ng siyudad at pagde-develop rin sa lugar na ito. At ang panghuling rekomendasyon ay relokasyon sa karatig na mga siyudad at bibigyan na lang ng maayos na kompensasyon ang mga taong maaapektuhan nito.

Tinututulan ng mga residente doon ang matanggal o maalis sila sa kanilang kinalalagyan ngayon dahil nandoon na rin ang kanilang kabuhayan at nakabuo na ng komunidad sa mga lugar na ito. Ang relokasyon ay hindi lamang mangangahulugan ng pisikal na dislokasyon sa tirahan. Higit sa lahat ito ay may hatid na emosyonal at sikolohikal na epekto laluna sa mga apektadong kabataan.

Kaya, dahil sa nahaharap sa ebiksyon o demolisyon, ang mga residente ng North Triangle – ang lugar lang sana na balak ipasok sa QC-CBD plan sa ilalim ng EO 106 – nagsama-sama ang mga mamamayan doon sa ilalim ng San Roque Community Council-North Triangle Alliance. Isang aktibong organisasyon sa loob ng alyansang ito ang Kasama Pilipinas. Dumadami, lumalapad na rin ang suporta sa nasabing alyansa dahil sa pakikipagtulungan ng ibang grupong nagsusulong sa simulaing dapat may makataong paninirahan at pamumuhay ang mga maralitang lungsod. Ilan na sa mga ito ang National Urban Poor Coalition at ang Institute for Popular Democracy na tulad ng North Triangle Alliance ay naniniwalang dapat na mixed use ng lupa at on-site development ang gawin hindi lang para sa pagpapabuti ng ekonomiya ng siyudad maging ang pag-aayos sa pamumuhay ng mga mahihirap na nakatira sa lugar.

Magsasagawa ang mga nabanggit na grupo ng isang konsultasyon sa mga lider sa Marso 11 kung saan pag-uusapan muli ang isyu at inaasahan diumanong pagkaisahang muli ang mga posisyon at makapagbuo ng mga hakbang upang isulong ito.

Muli na namang makikita rito ang sama-samang pagkilos ng mga mamamayan hindi lang ng mga naninirahan sa mga lugar na hagip ng planong QC-CBD kundi maging ng iba pang grupong naniniwala at naninindigan upang igiit ang karapatan ng mamamayan. Sa usaping ito, karapatang magkabahay at magkaroon ng maayos na pamumuhay.

Ang Unang Hakbang

Sa sitwasyong laganap ang korupsyon, ang taumbayan ang nahihirapan. Dahil kasi sa korupsyon ang utang ng bansa ay lumalaki pero ang proyektong paglalaanan nitong utang ay hindi garantisadong mapapakinabangan. Ang hirap pa nga, dahil sa korupsyon ang proyektong dapat sana’y $160 milyon lang ay dumoble ang presyo at nagging $329 milyon tulad ng ZTE-NBN deal. Ito’y dahil sa mapupuntang komisyon sa mga nag-broker ng deal ganundin sa pumirma nito ayon kay Engr. Dante Madriaga, isang testigong pinatawag ng Senado upang magbahagi ng nalalaman niya tungkol sa ZTE-NBN deal.

Kung susumahin, ang umano’y komisyong umaabot ng mahigit P6 bilyong piso ay napunta lamang diumano sa iilang mga tao samantalang ang daming mahihirap ang walang tahanan at nangangailangan ng atensyong medikal. Subalit dahil sa kakapusan sa pera, marami ang naninirahan sa mga bahay na gawa sa karton o di kaya’y sa ilalim na lang ng puno. Kapag bumisita ka naman sa mga pampublikong ospital, may ilan diyang makikita kang dalawa hanggang tatlong nanay ang pinagkakasya ang mga sarili sa iisang higaan.

Hindi kataka-taka kung mag-alsa man ang mamamayan sa ganitong sitwasyon. Nangyari na ito noong panahon ni dating Pangulong Erap na sinasabing kumita ng malaki sa jueteng. Mas malala ang kaso nitong ZTE-NBN deal kung ikukumpara sa jueteng scandal na nagpabagsak kay Erap. Ang perang ipambabayad kasi sa ZTE-NBN deal ay manggagaling sa kabang bayan. Samantalang ang pera sa jueteng ay hindi direktang nanggagaling sa kabang bayan.

Ang ganitong kalagayan ay hindi lang nagbunga ng isang madilim na bahagi sa ating lipunan. Ito’y nagbigay rin ng liwanag sa atin dahil muling lumitaw ang pagmamahal sa bayan ng mga Pilipino. Alam nating karamihan, kung hindi man lahat, ng Pilipino ay may pagmamahal sa bayan. Subalit marami ang wala ng meron si Jun Lozada. Ito ay ang tapang at kahandaang humakbang sa panig ng katotohanan sa kabila ng mga maaaring masamang mangyari sa kanya at sa pamilya niya.

Ipinakita ng mga pangyayari nitong mga nagdaang araw na kinakailangan lamang may ilang mga taong maunang humakbang at marami ang susunod. Humuhugot ng lakas ang mamamayan sa mga taong may tapang. Kaya, sa kabila ng pagtatangkang pagharang ng gobyerno sa mga magsisipunta sa kilos-protesta sa Makati noong Pebrero 29, nakagawa pa rin ng paraang makalusot ng mamamayan at makarating sa kanilang patutunguhan.

Hangga’t may mga matatapang na handang magsalita at kumilos para sa katotohanan at interes ng bayan, patuloy ang magiging pagkilos ng iba pa. Posibleng lalo pang dumami ang kanilang bilang hangga’t walang resolusyon sa isyung ito at patuloy na nakikita at nararamdaman ang kawalang hustisya sa bayan.

Sunday, March 2, 2008

Ang unang hakbang

Kabataan para sa tunay na pagbabago

Kailanman hindi nawala ang kabataan sa mga nangyayari sa ating bansa. Subalit ngayong mga araw ay kitang-kita ang kanilang muling pagiging mas aktibo at higit na marami kaysa mga nakaraang taon. Huling tanda ko na dumagsa ang kabataan sa kalye at lansangan sa usaping pulitika sa bansa ay noon pang panahong mainit na usapin ang US Military Bases.

May mga kabataan pa ring nanatiling mapagmatyag at kumilos sa mga maiinit na panglipunang usapin. Pero nitong mga nakaraang taon, hindi maipagkakailang kapansin-pansin ang naging pagbabago ng porma ng mga pagkilos o ekspresyon ng posisyon o sentimyento ng kabataan sa mga pangyayari sa lipunan. Tinawag pa ngang generation “x” ang mga kabataan noong mga unang bahagi ng 199os na nangangahulugang mas biswal ang ekspresyon ng opinion o posisyon, nasa computer at telebisyon ang atensyon. Bandang huling bahagi ng 90s hanggang unang bahagi nitong dekada 2000, tinawag ang kabataan na generation “y”o mga “tekkis” o hi-tech – andyan na ang mga cellphones, i-pod, at iba’t ibang makabagong gadget.

Hi-tech na rin ang ekspresyon ng protesta sa mga nangyayari sa bansa o mga katiwalian sa gobyerno. Nandyan na ang mga e-mail, websites, friendster, at you-tube na siyang nagiging popular na popular ngayon hindi lang sa kabataan kundi sa lahat.

Nitong nakaraang mga linggo, simula nang lumabas ang tinaguriang “star witness” sa kontrobersyal na ZTE-NBN deal, unti-unting umalab ang mga kabataan. Itong linggo lamang, kitang kita ang halos penomenal na paglabas ng mga kabataan sa lansangan na matagal nang hindi nasaksihan sa kanila. Pinapatunayan lamang nito na hindi naman namatay ang aktibismo sa kabataan. Patuloy itong nagmamatyag at sa sandaling kinakailangan ang kanilang paglabas sa kanilang mga klase, paaralan o sa lansangan ay makikita natin ang kanilang pagbuhos at maiingay na sigaw hindi lang para sa “katotohanan” kundi para sa “tunay na pagbabago!”

Nakakatindig balahibo ang ipinakitang suporta ng mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines nang bumisita doon si Jun Lozada nang nakaraang araw. Dagsa at halos madumog ng mga estudyante si Lozada hindi lang dahil sa naniniwala sila dito kundi isang pagpapakita ito ng kagustuhan nila ng pagbabago sa gobyerno at magkaroon ng hustisya sa mga nangyaring korupsyon.

Sa isang banda, malaking epekto sa kabataan ng mga nangyayaring korupsyon dahil malaking pera ang nawawala sa kabang bayan na dapat sana ay magamit sa mas maayos na kinabukasan ng kabataan. Taun-taon na lang ang hangad ng mga estudyante't kabataan ay dagdag na badyet sa edukasyon ganoon din sa kalusugan.

“Panahon nang matigil ang katiwalian. Panahon nang sistema'y magbago.” Ito ang sigaw hindi lang ng mga matatandang progresibo, kundi maging ng mga kabataan rin.

Sana’y matapos itong kinakaharap na krisis pampulitika, patuloy ang aktibismo sa kabataan. Patuloy ang kanilang pakikialam at paggiit para sa isang maayos at may hustisyang kinabukasan nila.