Ang akses sa impormasyon ay karapatan ng mamamayan laluna't ang mga impormasyong ito ay makakaapekto sa kanila. Ito ay isang tanda rin ng pagkakaroon ng tunay na demokrasya sa isang bansa. Ayon nga sa panukalang House Bill 2123 o “Freedom of Information Act”, batas upang tiyakin ang akses ng publiko sa mga opisyal na rekord, dokumento, at iba pang mga impormasyon na may kinalaman sa publiko, ang gobyerno raw na walang itinatago ay hindi dapat matakot sa may nalalaman at naliwanagang mga mamamayan (“a government which has nothing to hide should not be afraid of an informed and enlightened citizenry”). Sa kasamaang palad, hindi pumasa ang panukalang batas na ito noong nagsara ang 13th Congress.
Maraming maaanomalya o kwestyunableng transaksyon ng gobyerno ang nangyayari dahil hindi transparent ang mga negosasyon o prosesong pinagdadaanan sa pag-apruba sa mga ito. Ilang halimbawa ang ZTE-National Broadband Network deal, ang North Rail project, at ang isang umiinit ngayon na diumano'y Joint Marine Seismic Undertaking sa Spratly Islands.
Hindi naging bukas sa publiko ang mga negosasyon o prosesong pinagdaanan sa pagsasara sa mga proyektong nabanggit. Kaya nagugulat na lang tayo sa malalaman nating malaking halagang sangkot rito na taumbayan rin ang magbabayad. Kadalasan ding ang mga proyektong inililingid sa kaalaman ng publiko ay iyong malaking bilang ng mamamayan ang magiging apektado tulad nang pagpapaalis sa kanila, nanganganib ang seguridad, o di kaya’y tataas ang magiging singil sa publiko upang bayaran ang kontrata para sa proyekto.
Tulad ng mga nabanggit na mga proyekto, ang planong gawing Central Business District ang North Triangle, East Triangle, Veterans Memorial Medical Center, at Ninoy Aquino Parks and Wildlife sa Quezon City ay hindi rin kinakikitaan ngayon ng transparency. Reklamo ng ilang mga komunidad na apektado doon tulad ng San Roque Community Council – North Triangle Alliance na hindi na nga sila isinama sa pagpaplano, itinatago pa sa kanila ang kung anumang inabot nang plano para sa CBD. Samantala, patuloy naman ang banta ng demolisyon sa kanilang mga nakatira sa lugar na masasakop ng proyektong Quezon City-CBD. Bukod sa mga residente, ang mga empleyado ng Veterans Memorial Medical Center ay nakatanggap noong ikalawang linggo ng Marso ng isang 90-day notice na kailangan na nilang lisanin ang lugar. Ang masama, walang malinaw na compensation package sa kanila at pinapaalis na sila.
Kahit ilang mga miyembro ng Claret Urban Poor Apostolate ay nagsasabing mahahagip rin daw ng planong QC-CBD ang ilang mga naninirahan sa CP Garcia street sa UP Diliman at maging ilang bahagi ng Philcoa. Hanggang haka-haka at espekulasyon na lang sa ngayon ang nagagawa ng mga residente sa nabanggit na mga lugar na masasakop ng QC-CBD dahil hindi nila batid ang buong plano rito. Maging pala ang ilang Konsehal ng Lungsod ng Quezon at Kagawad sa Barangay ng San Roque ay hindi rin nakita ang plano sa CBD. Kaya bukod pa sa mapanatili sila sa lugar, ang iginigiit ngayon ng mga apektadong mamamayan ay magkaroon sila ng akses sa impormasyon tulad ng planong CBD ganun din ang pag-aaral na ginawa ng World Bank ukol dito. Dapat rin daw magsagawa ng konsultasyon sa mga apektadong residente at empleyado ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ganundin ang Ultra Triangle Development Commission (Tri-Dev Commission) na siyang nagbubuo at magpapatupad ng masterplan para sa QC-CBD.
Ang mga planong pang-kaunlaran ay laging sinasabing para sa taumbayan. Ang mga nakatira sa mga lugar na sinasabing papaunlarin ay mga tao rin, mga mamamayang makakatuwang rin dapat sa kaunlaran. Dahil realidad na sa bansa na malaking porsyento ng populasyon ay mga naghihirap na pamilya laluna sa Kamaynilaan, kaya sa halip na paalisin sila sa kanilang mga kinatitirikan at dalhin sa malalayong lugar na walang tiyak na serbisyo at mapagkakakitaan, dapat na kasama sila sa isinasagawang pagpapaunlad sa lugar. Dapat tingnan rin paano sila uunlad at maging aktibong kabahagi sa kaunlaran.