May kasabihan nga na “ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo” (the truth will set you free). Kaya kung pipigilan ang paglabas ng katotohanan, para na ring sinikil ang kalayaan ng mamamayan at sinagkaan din ang karapatan nilang malaman ang katotohanan. Ganito ang magiging epekto ng ginawang desisyon ng Korte Suprema na payagan si Commission on Higher Education Secretary Romulo Neri na gamitin ang “executive privilege” upang huwag sagutin ang mga tanong sa imbestigasyon sa Senado ukol sa ma-anomalyang ZTE-NBN deal.
Tatlong mahahalagang katanungan ang iniiwasang sagutin ni Secretary Neri. Ito ay: 1) kung ang Presidente (Gloria Arroyo) ay nag-follow-up kay Neri tungkol sa proyektong NBN-ZTE; 2) kung si Secretary Neri ba ay diniktahan ng Presidente na unahin o i-prayoridad ang NBN-ZTE project; at 3) kung sinabihan ba si Neri ng Presidente na ituloy pa rin ang proyekto pagkatapos sabihan ito ni Neri tungkol sa suhol para sa proyekto.
Kung masasagot ang mga katanungang ito, malalantad sa publiko kung may kinalaman nga ba o wala ang Presidente sa pagkaka-apruba ng proyektong ZTE-NBN sa kabila nang mga kwestyunableng prosesong pinagdaanan at napakataas na halaga nito. Ngunit, dahil ang “katotohanan” rin ang posibleng magpapakulong sa kung sinuman ang maysala, kaya marahil ayaw sagutin ang mga katanungang nabanggit. Posible kasing mabunyag ang isang hindi nararapat na gawain ng isang opisyal ng gobyerno lalung-lalo na ng isang Presidente.
Sa isang tinatawag na demokratikong gobyerno tulad dapat ng gobyerno natin, may “check and balance” na sistema upang maiwasan ang pagmamalabis ng isang sangay (branch) ng gobyerno. Kaya may tatlong sangay tayo ng gobyerno – ehekutibo (Presidente at buong Gabinete), lehislatura (Kongreso), at judiciary (Korte Suprema) – na ang bawat isa ay independent sa ibang mga sangay. May sarili rin itong mga kapangyarihan na ang isang layunin dapat ay upang huwag magkaroon ng absolute power ang isa laban sa isa. Mas ang layunin nito ay upang makita at maiwasto ang mga kamalian o kahinaan ng sistema, maging ang gawain ng isang sangay kabilang ang mga opisyal at empleyado nito.
Ang anumang dapat na pagmamalabis ng Ehekutibo ay makikita, maiwawasto, at kung may mga nagkamali ay may karampatang aksyon dito ang Kongreso sa pamamagitan ng paggawa ng mga batas. Subalit ang paggawa ng batas o isang aksyon ng Kongreso ay nangangailangan ng masusing pag-aaral. At bahagi ng pag-aaral ang mga imbestigasyon. Ang mga ito ang siyang magiging batayan sa anumang aksyon na gagawin nito.
Sa ginawang desisyon ng Korte Suprema na panig kay Secretary Neri na huwag sagutin ang mga tanong ng Senado ukol sa ZTE-NBN deal sa pamamagitan ng “executive privilege” nito ay hindi lang magpapahina o nagbabale-wala sa kapangyarihan ng Kongresong mag-imbestiga at gumawa ng mga resolusyon o batas. Mistulang tinapakan o hindi na rin nito kinilala ang karapatan ng publiko sa mga impormasyon ukol sa gawain ng gobyerno. Nawala ang “check and balance,” ganundin ang transparency at accountability ng mga gumawa ng hindi ayon sa batas..
Mahirap yatang maunawaan na ang Korte Suprema na siya sanang higit na nakaka-unawa sa batas, gobyerno, at karapatan ng mga mamamayan ay gagawa ng ganitong aksyon. Ito dapat ang sangay ng gobyerno na “incorruptible” o hindi papayagang masali sa korupsyon. Sana nga walang hindi kanais-nais na nangyari na siyang nagtulak sa kanila na pumanig kay Sec. Neri. Sana nga, talagang kulang lang ang mga paliwanag o ebidensya ng panig ng mga gustong malaman ang katotohan kung kaya naging ganun ang desisyon ng Korte Suprema.
Subalit, marami pa rin ang umaasang mababago ang kanilang desisyon. Sana lang, malinawan ang isip, puso, at konsensya ng ating mga mahistrado para sa kapakanan ng nakararaming Pilipino. Para sa atin ring mamamayan, hindi lang sana pagbabantay sa mga pangyayari ang gawin. Higit sa lahat, bantayan natin ang ating mga karapatang huwag tapakan o masalaula.