Hindi lang angkop na gamit sa lupain ang dapat pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno bilang tugon sa lumalalang problema sa pagkain maging ang panggigipit din ng mga panginoong may-lupa sa mga magsasaka.
Sa kabila ng paggawad ng pamahalaan ng lupa sa ilang magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARP), may problema pa ring kinakaharap ang ating mga magsasaka ngayon. Patuloy pa rin silang naghihirap at ginigipit ng mga may kapangyarihan. Isang halimbawa rito ay ang mga magsasaka ng Hacienda Paliko, Banilad, at Carmen sa Batangas na binubuo ng sampung barangay at tubo ang pangunahing pananim.
Dating nasasakop ng Hacienda Roxas ang mga nabanggit na lupaing may 2,930 hektarya. Nabigyan ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) noong 1993 ang mga magsasaka dito sa ilalim ng mandato ng CARP. Sinasaka ngayon ng mga miyembro ng Damayan ng mga Manggagawa, Magsasaka at Mangingisda sa Bansa (DAMBA) at ng Katipunan ng Magsasaka sa Hacienda Roxas, Inc. (KAMAHARI) ang nasabing lupain na may 80 toneladang produksyon ng tubo kada hektarya.
Ayon sa National Chairman ng DAMBA na si Roy Mahinay Sr, hindi diumano matanggap ng mga may-ari ng Hacienda Roxas ang pagbibigay ng 2,930 hektaryang lupain sa mga magsasaka kung kaya ipinaglaban ito ng mga Roxas sa Department of Agrarian Reform noong 1993. Umabot sa Korte Suprema ang kaso subalit natalo ito noong 1999. Nagdesisyon ang Korte Suprema na hindi maaalis, patuloy na magbubungkal, at hindi kakanselahin ang CLOA sa mga magsasaka. Humabol pa ng motion for reconsideration ang mga Roxas subalit natalo rin noong Pebrero 2000. Bandang Mayo 2000 ay muli diumanong nagsumite ng kaso para ma-exempt sa CARP ang mga ipinaglalabang lupain. Nakabinbin pa rin hanggang ngayon ang kaso sa Korte Suprema.
Tila desperado na ang mga Roxas dahil sa matagal nang panahon ay hindi pa rin nila nababawi ang kanilang mga lupaing iginawad na ng gobyerno sa mga magsasaka. Ayon kay Mahinay, nanggigipit na diumano ngayon mga Roxas sa pamamagitan ng kanilang pasilidad sa pag-iilo (milling). Simula diumano noong Oktubre 2007, sinabihan na ng Hacienda Roxas ang mga CARP farmer-beneficiaries na hindi na makakapagpa-ilo ng tubo sa Central Azucarera de Don Pedro kung hindi ipapangalan sa ilalim ng Roxas ang kanilang pagpapa-ilo doon. Bukod dito, may management fee na P5,500 kada 5,000 toneladang tubo ang kailangang bayaran ng mga magsasaka. Kailangan ding magbayad ng P200 kada tonelada para sa trucking services, P200 kada tonelada para sa pagpuputol ng mga tubo at pagkarga nito, P200 kada tonelada para sa driver kada byahe papuntang milling, at ang pulot na umaabot 5,000 kilo at naibebenta dapat nila ng P5 kada kilo ay hindi na makukuha ng mga magsasaka.
Hindi pumayag ang mga magsasaka sa kondisyong ito dahil sa wala na silang kikitain dito. Dagdag pa ni Mahinay, baka gamiting batayan ng mga Roxas sa kaso nila sa Korte Suprema ang pagpapalagay ng mga magsasaka sa pangalan ng mga Roxas sa ipapa-ilo nilang mga tubo. Sa halip, ang ginagawa ngayon ng mga taga-DAMBA at KAMAHARI ay ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan sa lupain at ma-ilo ang kanilang mga produkto. Simula Enero nitong taon ay sunod-sunod na aksyon na ang kanilang ginawa. Ngayong lunes ay magkakampo sila sa harap ng Azucarera de Don Pedro.
Kapag hindi na-ilo ang mga tubo, mabubulok ang mga ito at lalong walang kikitain at makakain ang mga magsasaka. Maliwanag na kapit sa patalim ang gustong mangyari ng mga Roxas sa mga magsasaka dahil sila ang may pasilidad sa pag-iilo sa lugar. Ginagamit nila ang kanilang pasilidad upang gipitin ang mga magsasaka at mapasunod sa kagustuhan nilang mabawing muli ang mga lupaing naigawad na sa mga magsasaka.
Upang maiwasan sana ang ganitong panggigipit, kailangan ng aksyon rito ng gobyerno. Sana hindi lang lupain ang maibigay sa mga magsasaka, maging mga karampatang pasilidad at pagsasanay upang gamitin at pamahalaan ito ay maibigay rin sa kanila upang hindi sila nagigipit ng mga taong mayroon ng mga pangangailangan ng mga magsasaka sa pagtatanim, pag-ani, at pagproseso ng kanilang produkto. Malaking tulong ito sa mga magsasaka, malaking tulong rin ito sa bansa dahil masisiguro natin ang produksyon ng pagkain natin.