About Me

Maris dela Cruz
View my complete profile

Monday, April 28, 2008

Si USec Santos ba o Biofuels Act ang problema?

Nanawagan kamakailan sa Pangulo si Senador Miguel Zubiri na palitan na si Department of Energy Undersecretary Ramon Santos bilang pinuno ng National Biofuels Board, ang pangunahing ahensyang nagpapatupad ng National Biofuels Act 2006.

Ayon kay Zubiri hindi diumano nagagampanan nang husto ni Santos ang kanyang tungkulin sa NBB. Ito’y kaugnay sa kabi-kabilang naglalabasang negatibong artikulo at komento sa biofuels kaugnay ng nangyayaring kakulangan sa pagkain. May mga pangambang ang biofuels program ay magdudulot sa paggamit ng pananim para sa langis sa halip na sa pagkain dapat at ang pagbaba o pagkabawas ng mga lupaing nagagamit dapat sa pagtatanim ng palay at mais.

Nakakapagtaka ang reaksyong ito ni Zubiri. Hindi niya na ba kayang i-depensa ang Biofuels Act at tila ibinabaling niya ngayon ang sisi kay Santos? Bilang tinaguriang “Ama ng Biofuels Act”, natural na siya ang unang tatanungin sa ganitong sitwasyon na nakikini-kinita ng mga tao ang posibleng mangyari sa tuluyang pagpapatupad ng programa sa ilalim ng Biofuels Act. Polisiya ang kinukuwestiyon dito at hindi pa ang pagpapatupad.

Ang National Biofuels Board, ay tagapatupad lamang ng Biofuels Act. Kung tutuusin, hindi pa nga gaanong umaalagwa ito dahil nasa 1% hanggang 2% pa lang ng target na mix ng biofuels sa regular na mga langis ang naipapatupad. Ibig sabihin, hindi pa ganun kalawak o kalaki ang mga lupaing natatamnan ng halamang magpoprodus ng biofuel.

Hindi makakatulong sa pagpapaliwanag ang pagbabato ng sisi sa NBB. Dapat matapang na harapin ni Zubiri at maidepensa ang Biofuels Act at siya namang nagtulak nito noon sa Kongreso. Magandang okasyon nga ang nangyayari ngayon at lalo siyang nabibigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag tungkol sa programang biofuels pati na sa anumang istratehiyang naiisip o napaplano para sa programang ito.

Ang ibaling ang sisi o pansin ng publiko kay Santos ng National Biofuels Board upang sumagot sa mga katanungan ukol sa programang biofuels ay hindi naman yata isang nararapat na aksyon ng isang Senador na tumanggap rin naman ng mga papuri sa pagkakapasa ng Biofuels Act. Hindi lang rin si Santos ang mataas na opisyal ng pamahalaan na nasa National Biofuels Board. Mas marapat pa siguro na kung may batikos man sa programang biofuels ay harapin na lang ni Zubiri at ipagtanggol. Bilang Senador, maaari rin nyang pangunahan ang pagpapatawag sa NBB sa Senado upang ma-update ang publiko sa ginagawa nito.

ERC, Meralco, ipaliwanag ang pagtaas ng presyo ng kuryente

Ang laki ng itinaas na naman ng presyo ng kuryente ngayong buwan dto sa kamaynilaan at iba pang kustomer ng Meralco. Sa mga kumukunsumo ng 200 kilowatthour, P150 ang itinaas sa bayarin nila sa kuryente. Dagdag pahirap ito siyempre dahil sa lumiliit na nga ang halaga ng pera dahil sa taas ng mga bilihin lalung-lalo na ng bigas.

Halos 70-sentimos kada kilowatthour ang itinaas sa presyo ng kuryente ngayong buwan. Ito ay dahil sa pagtaas ng singil sa generation, distribution, transmission, at maging sa supply. Pinakamalaking bahagi ng pagtaas ay sa generation charge. Sinasabi ng Meralco na ito’y dahil sa tumaas ang presyo ng kuryenteng binibili sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM). Nasa P5.94 kada kilowatthour lang diumano ang singil sa WESM noong Pebrero. Subalit noong Marso, ito’y tumaas sa P10.68 kada kilowatthour. Ang ibang pinagkukunan ng kuryente ng Meralco ay Napocor at ang mga ka-kontrata nitong independent power producers na marami dito ay pag-aari rin ng mga Lopez na siya namang may kontrol sa Meralco.

Hindi kataka-takang umalma na talaga ang mga tao ngayon. Ang EmPOWER Consumers, bagong grupo ng mga konsyumer ng kuryente ay humihingi ng paliwanag mula sa Energy Regulatory Commission at Meralco at iba pang posibleng may mga kinalaman sa pagtaas na ito na magpaliwanag sa mga konsyumer. Sa liham na ibinigay ng EmPOWER Consumers sa ERC noong Abril 23, isinaad rin nito ang kanilang pagkadismaya sa ganitong pangyayari sa kabila ng pahayag ng ERC kamakailan lamang na walang mangyayaring pagtaas sa presyo ng kuryente sa loob ng dalawang buwan. Sinabi rin ng grupo na taliwas rin ang pagtataas ng presyo ng kuryente sa pahayag ng Pangulong Arroyo noong Energy Summit noong Pebrero 5 na gagawa ito ng paraan upang maibaba ang presyo ng kuryente.

Ang nakapagtataka, sa kabila ng ilang buwan nang pagpapatakbo sa WESM at eksperiyensya nating laging mas mataas ang presyo nito kaysa Napocor, patuloy pa ring higit sa 10 porsyento ng kinakailangang kuryente ng Meralco ang kinukuha sa WESM. Ayon sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na siyang nag-uutos sa pagbabago sa istruktura ng kuryente sa bansa at siya ring nag-utos sa pagkakaroon ng spot market o ang WESM, minimum na 10 porsyento ang kailangang kunin ng mga distribution utilities mula sa WESM.

Malala ang sitwasyon ng industriya ng kuryente sa bansa. Subalit, mas malala yata ang sitwasyon nating mga konsyumer sa ilalim ng mga mapagsamantala at hindi mapagkakatiwalaang mga kumpanya ng kuryente tulad ng Meralco. Kaya, upang huwag mangyari ito ay dapat na malinaw lagi ang mga pangyayari sa mga mamamayan. Dapat ring magkaroon ng pagbabago sa EPIRA dahil sa loob ng pitong taong pagpapatupad dito, wala pa ring kaginhawaan tayong nararamdaman mula sa mataas na presyo ng kuryente.

Monday, April 21, 2008

Solusyon ng Kongreso sa krisis ngayon: BAND-AID!

May tatlong buwan nang patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas. Kaya naman ang presyo ng ibang mga produkto na gumagamit ng bigas o di kaya’y substitute nito tulad ng pandesal at iba pang tinapay at posibleng pati instant noodles ay nagtataasan na rin.

Ayon sa mga maralita, hindi pa man daw tumataas ang presyo ng bigas ay instant noodles na ang kanilang pangunahing pagkain. Hinahaluan na lang ng konting bigas sa pagluto ng noodles
upang kahit papaano ay may kanin na rin sila. Sa sitwasyon ngayon na P5 hanggang halos P10 ang itinaas sa presyo ng bigas kada kilo, malamang baka wala na ring bigas na maihalo sa noodles ang mga mahihirap na pamilya.

Kung dati mga mahihirap ang kadalasang kumakain ng sardinas, ngayon pati nasa middle class ay napapadalas na rin ang pagkain nito. Ang tinatawag na poorest of the poor o mga pinakamahihirap ay hindi na rin makayang bumili ng sardinas ngayong mga araw.
Ang nakakapagpalala pa sa sitwasyon, tumataas ang presyo ng pagkain, subalit ang kinikita ng mamamayan ay hindi tumataas o nakasasapat sa pagmahal ng pagkain at ng iba pang mga pangunahing pangangailangan.

Tama lang na ang ganitong sitwasyon ng kahirapan o krisis ay bigyan ng masusing pansin ng Kongreso. Kamakailan lamang ay nagpahayag si House Speaker Prospero Nograles na bibigyang prayoridad diumano ng Kongreso ang pagpapasa sa panukalang batas na nagpapalawak ng sakop (coverage) ng personal tax exemption na ibinibigay sa mga empleyado sa pribado at pampublikong sektor upang mabawasan ang kahirapang dulot ng tumataas na presyo ng pagkain, pangunahing bilihin at mga serbisyo. Dagdag pa dito, sinabi rin ni Nograles na pag-aaralan nya rin daw ng mabuti ang panukalang batas na nagsusulong ng pansamantalang pagtanggal ng VAT sa noodles at sardinas.

Agarang kaginhawahan sa mamamayan ang ninanais ng Kongreso upang kahit papaano ay mabigyan ng pansamantalang lunas ang kahirapan o krisis sa pagkain. Subalit, kung maipapasa nga sa susunod na linggo ang panukalang batas patungkol sa tax exemption, hindi naman magbebenepisyo dito ang maraming Pilipino. Ito’y dahil marami sa mga naghihirap na Pilipino ay hindi mga regular na manggagawang kinukolektahan ng personal na buwis (income tax). Marami ang nasa impormal na sektor – pagtitinda, pamamasada, construction worker, kargador, at iba pa – ito ang kadalasang trabaho ng mga mahihirap. Maipasa man ang batas sa tax exemption, mananatili pa ring mahirap itong mga nasa impormal na sektor at kapos pa rin ang kanilang kakayahang makabili ng matinong pagkain o magkaroon ng maayos na pamumuhay.

Noodles at sardinas lang din ang pinag-iisipang pansamantalang huwag munang patawan ng VAT. Sa ilan, kung hindi man karamihan ng mga mahihirap, luho na rin daw na maituturing ngayon ang sardinas ayon sa ilang mga lider ng maralitang lungsod. Kaya, tanggalin man ang VAT sa sardinas, wala rin ito masyadong epekto sa mga mahihirap dahil hindi na rin naman sila gaanong bumibili nito.

Bagamat may kaunting kaginhawahang maidudulot ang mga solusyong naiisip ng Kongreso, hindi pa rin nito binibigyang lunas talaga ang sakit na nagreresulta sa krisis sa pagkain at patuloy na kahirapan. Para lang tayong binibigyan ng band-aid para sa malalim na sugat pero nariyan pa rin ang sakit at malalang karamdaman. Kailangan ng ating bayan, bukod sa pansamantalang lunas, ay mabigyan talaga ng pangmatagalan kung hind man permanenteng lunas ang kahirapan/krisis na kinakaharap sa bansa.

Panggigipit sa mga magsasaka sa Paliko, Banilad, at Carmen

Hindi lang angkop na gamit sa lupain ang dapat pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno bilang tugon sa lumalalang problema sa pagkain maging ang panggigipit din ng mga panginoong may-lupa sa mga magsasaka.

Sa kabila ng paggawad ng pamahalaan ng lupa sa ilang magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARP), may problema pa ring kinakaharap ang ating mga magsasaka ngayon. Patuloy pa rin silang naghihirap at ginigipit ng mga may kapangyarihan. Isang halimbawa rito ay ang mga magsasaka ng Hacienda Paliko, Banilad, at Carmen sa Batangas na binubuo ng sampung barangay at tubo ang pangunahing pananim.

Dating nasasakop ng Hacienda Roxas ang mga nabanggit na lupaing may 2,930 hektarya. Nabigyan ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) noong 1993 ang mga magsasaka dito sa ilalim ng mandato ng CARP. Sinasaka ngayon ng mga miyembro ng Damayan ng mga Manggagawa, Magsasaka at Mangingisda sa Bansa (DAMBA) at ng Katipunan ng Magsasaka sa Hacienda Roxas, Inc. (KAMAHARI) ang nasabing lupain na may 80 toneladang produksyon ng tubo kada hektarya.

Ayon sa National Chairman ng DAMBA na si Roy Mahinay Sr, hindi diumano matanggap ng mga may-ari ng Hacienda Roxas ang pagbibigay ng 2,930 hektaryang lupain sa mga magsasaka kung kaya ipinaglaban ito ng mga Roxas sa Department of Agrarian Reform noong 1993. Umabot sa Korte Suprema ang kaso subalit natalo ito noong 1999. Nagdesisyon ang Korte Suprema na hindi maaalis, patuloy na magbubungkal, at hindi kakanselahin ang CLOA sa mga magsasaka. Humabol pa ng motion for reconsideration ang mga Roxas subalit natalo rin noong Pebrero 2000. Bandang Mayo 2000 ay muli diumanong nagsumite ng kaso para ma-exempt sa CARP ang mga ipinaglalabang lupain. Nakabinbin pa rin hanggang ngayon ang kaso sa Korte Suprema.

Tila desperado na ang mga Roxas dahil sa matagal nang panahon ay hindi pa rin nila nababawi ang kanilang mga lupaing iginawad na ng gobyerno sa mga magsasaka. Ayon kay Mahinay, nanggigipit na diumano ngayon mga Roxas sa pamamagitan ng kanilang pasilidad sa pag-iilo (milling). Simula diumano noong Oktubre 2007, sinabihan na ng Hacienda Roxas ang mga CARP farmer-beneficiaries na hindi na makakapagpa-ilo ng tubo sa Central Azucarera de Don Pedro kung hindi ipapangalan sa ilalim ng Roxas ang kanilang pagpapa-ilo doon. Bukod dito, may management fee na P5,500 kada 5,000 toneladang tubo ang kailangang bayaran ng mga magsasaka. Kailangan ding magbayad ng P200 kada tonelada para sa trucking services, P200 kada tonelada para sa pagpuputol ng mga tubo at pagkarga nito, P200 kada tonelada para sa driver kada byahe papuntang milling, at ang pulot na umaabot 5,000 kilo at naibebenta dapat nila ng P5 kada kilo ay hindi na makukuha ng mga magsasaka.

Hindi pumayag ang mga magsasaka sa kondisyong ito dahil sa wala na silang kikitain dito. Dagdag pa ni Mahinay, baka gamiting batayan ng mga Roxas sa kaso nila sa Korte Suprema ang pagpapalagay ng mga magsasaka sa pangalan ng mga Roxas sa ipapa-ilo nilang mga tubo. Sa halip, ang ginagawa ngayon ng mga taga-DAMBA at KAMAHARI ay ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan sa lupain at ma-ilo ang kanilang mga produkto. Simula Enero nitong taon ay sunod-sunod na aksyon na ang kanilang ginawa. Ngayong lunes ay magkakampo sila sa harap ng Azucarera de Don Pedro.

Kapag hindi na-ilo ang mga tubo, mabubulok ang mga ito at lalong walang kikitain at makakain ang mga magsasaka. Maliwanag na kapit sa patalim ang gustong mangyari ng mga Roxas sa mga magsasaka dahil sila ang may pasilidad sa pag-iilo sa lugar. Ginagamit nila ang kanilang pasilidad upang gipitin ang mga magsasaka at mapasunod sa kagustuhan nilang mabawing muli ang mga lupaing naigawad na sa mga magsasaka.

Upang maiwasan sana ang ganitong panggigipit, kailangan ng aksyon rito ng gobyerno. Sana hindi lang lupain ang maibigay sa mga magsasaka, maging mga karampatang pasilidad at pagsasanay upang gamitin at pamahalaan ito ay maibigay rin sa kanila upang hindi sila nagigipit ng mga taong mayroon ng mga pangangailangan ng mga magsasaka sa pagtatanim, pag-ani, at pagproseso ng kanilang produkto. Malaking tulong ito sa mga magsasaka, malaking tulong rin ito sa bansa dahil masisiguro natin ang produksyon ng pagkain natin.

Sunday, April 6, 2008

Problema sa lupa, problema sa bigas

Sa mahigit isang linggong nasa headline ng mga pahayagan ang kakulangan ng bigas sa bansa, maliwanag na ang Comprehensive Agararian Reform Program (CARP) ay hindi naging kumprehensibo at nakatugon sa pangangailangan ng mga magsasaka na magreresulta din dapat sa mas saganang produksyon ng pagkain para sa bansa.

Bilang isang bansang agrikultural, dapat sana ay may kasiguruhan tayo sa suplay ng pagkain (food security). Subalit ang ating gobyerno ay importasyon ng bigas ang pokus ng kanyang programa sa pagkain partikular sa bigas.

Ano nga ba ang ating mga naging kakulangan at tayo ay humantong sa kasalukuyang sitwasyon? Maliwanag na ang ating mga pambansang polisiya at mga programa ay lihis sa pangangailangan ng ating bansa ganundin ng mga magsasaka.

May dalawang dekada nang nasa ilalim tayo ng CARP o Repormang Agraryo (bukod pa ang land reform ni dating Pangulong Marcos). Subalit hanggang ngayon ay napakarami pang hindi naipapamahaging lupa. Ang conversion at exemption ng mga lupang ang malaking bahagi ay palayan ay ilan lamang sa mga kadahilanan ng pagbagal at pagkabigo ng Repormang Agraryo na masasabing may malaking kontribusyon sa kasalukuyang krisis sa bigas.

Maraming lupang angkop na palayan katulad ng malapit sa Laguna de Bay na minimal ang problema sa irigasyon subalit ngayon ay mga residensyal na. Hindi rin naging tama ang exemption sa pagpapamahagi ng maraming lupa. Ginawa itong lusot ng maraming may-ari ng malalawak na lupain upang hindi maisama sa CARP ang kanilang lupa. Hindi tuloy lubusang naisakatuparan ang intenyon ng batas at programa na maging higit na kapakipakinabang ang mga lupa sa pamamagitan ng pagmamay-ari ng mga magsasakang siya mismong nagbubukangkal ng lupa.

Malaking bahagi rin naman ang mga naipamahagi subalit hindi na-maximize ang produksyon daahil sa kakulangan ng mga subsidyo, maayos na programa at imprastrakturang kaakibat ng pagsasaka. Malaking bahagi ang hanggang ngayon ay wala o hindi sapat ang irigasyon. Hindi rin nakatugon ang pamahalaan sa kaukulang tulong pinansya at programa upang makaagapay ang mga magsasaka sa pagtaas ng presyo ng pestidyo, fertilizer at iba pang kinakailangan sa pagsasaka.

Kailanman ay hindi natin matutugunan ang kasalukuyan at mga darating pang krisis sa pagkain kung hindi natin mabibigyan ng tulong ang ating mga magsasaka. Ang seguridad sa pagkain ay katumbas ng seguridad ng mga magsasaka.

Bakit may Problema sa Bigas

Sinabi kamakailan ni Dr. Ted Mendoza ng UP Los BaƱos na aabot daw sa P60 kada kilo ang presyo ng bigas pagdating ng Hulyo. Ito diumano ay dahil sa tataas ang halaga ng inaangkat na bigas mula sa Vietnam at Thailand resulta ng pagtaas ng demand dito mula sa Middle East at Africa. Tumaas ang presyo sa Vietnam at Thailand ng 25 porsyento mula sa US$500 kada metriko tonelada noong nakaraang buwan ayon sa Department of Agriculture.
Magkakakrisis nga talaga kapag nangyari ang ganyang pagtaas. Pangunahing pagkain kasi nating mga Pinoy ang kanin.Subalit nakakapagtakang kinakailangan pa nating umangkat, gayong ayon sa Department of Agriculture ay may 16.24 milyon metrikong tonelada ng bigas ang naging produksyon sa bansa noong nakaraang taon at inaasahan ngayong taon ay aabot ito sa 17.3 milyon metriko tonelada. Samantalang ang konsumo ng bansa sa bigas ay umaabot lamang ng 11.9 milyon metriko tonelada kada taon. Kalakhan daw nitong konsumo sa bigas ay mula sa bigas dito sa Pilipinas.
Kung tama ang mga datos ng Department of Agriculture na nagpapakitang mas malaki ang produksyon ng bigas sa bansa kumpara sa kabuuang konsumo dito, bakit kinakailangang umangkat pa tayo sa ibang bansa? Dahil ba mas mura ang bigas galing sa Vietnam at Thailand?
Kamakailan lamang ay inanunsyo ni Pangulong Gloria Arroyo na maglalabas siya ng Executive Order na nagpapahintulot sa pagbibigay ng P5 bilyon bilang subsidyo sa mga magsasaka at upang masiguro ang patuloy na supply ng bigas. Ayon ito sa rekomendasyon o plano ng Department of Agriculture. Bahagi rin ng plano upang solusyunan ang problema sa bigas ay ang pagtatanim ng palay sa karagdagang 600,000 hektarya sa panahon ng tag-ulan sa 10 pinakamahihirap na probinsya sa bansa at 500,000 hektarya sa ibang mga probinsya.
Marami ang duda sa kahihinatnan ng solusyong iniisip ng gobyerno. Isa na rito ang Task Force Food Sovereignty, isang grupo ng mga magsasaka, NGOs, at iba pang civil society organizations. Ayon dito, napakaliit diumano ng P5 bilyong subsidyo kung ikukumpara sa kinakailangang sapat na halaga ng palay sa farmgate na maibigay ng gobyerno sa mga magsasaka. Ayon sa pinakahuling anunsyo, aabot diumano ito sa P17 kada kilo. Baka raw matulad din sa mga naunang karanasan natin sa pagbibigay ng subsidyo na mauwi na mapunta na lang sa bulsa ng ilang opisyal at mga mangangalakal ang subsidyo.
Dagdag pa ng TFFS kahit na ipalagay na ang P5 bilyon ay mapunta sa irigasyon at subsidyo sa mga kinakailangan sa pagtatanim, napakaliit pa rin diumano ng halagang ito kung ikukumpara sa halagang aabutin sa pagpapagawa at pagpapabuti ng mga kasalukuyang irigasyon. Kung bibili ng palay sa mga magsasaka dito sa halagang P17 kada kilo, gagastos ang gobyerno ng P11.9 bilyon upang i-absorb ang hindi bababa sa 10 porsyento ng produksyon sa Abril at Mayo.

Ang P5 bilyon diumano ay hindi talaga sasapat upang masagot ang problema sa bigas. Dagdag pa dito, mukhang hindi naman ang pagbibigay subsidyo sa halaga ng bili ng palay sa mga magsasaka ang prayoridad ng gobyerno. Sa katunayan, ay mag-aangkat pa uli ito ng 2.2 milyong metriko tonelada na nagkakahalaga ng P69 bilyon.

Nakakalungkot isiping bagamat malawak ang mga lupaing agrikultural sa Pilipinas ay kinakapos tayo ng supply ng bigas sa bansa. marami naman dito ay ibang pananim ang nakatanim o di kaya’y ginawang eco-tourism ang lugar o pinatayuan ng mga subdivision, malls o iba pang pang-industriyal at komersyal na mga gusali. Ilan ito sa mga dahilan sa mababang produksyon ng bigas sa bansa. Dapat marahil ay hindi lang subsidyo ang tinitingnang solusyun ng gobyerno. Dapat ring tingnang mabuti ang paggamit sa mga lupain at lapatan ng karampatang aksyon ito.

Tuesday, April 1, 2008

Kapag itinago ang katotohanan

May kasabihan nga na “ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo” (the truth will set you free). Kaya kung pipigilan ang paglabas ng katotohanan, para na ring sinikil ang kalayaan ng mamamayan at sinagkaan din ang karapatan nilang malaman ang katotohanan. Ganito ang magiging epekto ng ginawang desisyon ng Korte Suprema na payagan si Commission on Higher Education Secretary Romulo Neri na gamitin ang “executive privilege” upang huwag sagutin ang mga tanong sa imbestigasyon sa Senado ukol sa ma-anomalyang ZTE-NBN deal.

Tatlong mahahalagang katanungan ang iniiwasang sagutin ni Secretary Neri. Ito ay: 1) kung ang Presidente (Gloria Arroyo) ay nag-follow-up kay Neri tungkol sa proyektong NBN-ZTE; 2) kung si Secretary Neri ba ay diniktahan ng Presidente na unahin o i-prayoridad ang NBN-ZTE project; at 3) kung sinabihan ba si Neri ng Presidente na ituloy pa rin ang proyekto pagkatapos sabihan ito ni Neri tungkol sa suhol para sa proyekto.

Kung masasagot ang mga katanungang ito, malalantad sa publiko kung may kinalaman nga ba o wala ang Presidente sa pagkaka-apruba ng proyektong ZTE-NBN sa kabila nang mga kwestyunableng prosesong pinagdaanan at napakataas na halaga nito. Ngunit, dahil ang “katotohanan” rin ang posibleng magpapakulong sa kung sinuman ang maysala, kaya marahil ayaw sagutin ang mga katanungang nabanggit. Posible kasing mabunyag ang isang hindi nararapat na gawain ng isang opisyal ng gobyerno lalung-lalo na ng isang Presidente.

Sa isang tinatawag na demokratikong gobyerno tulad dapat ng gobyerno natin, may “check and balance” na sistema upang maiwasan ang pagmamalabis ng isang sangay (branch) ng gobyerno. Kaya may tatlong sangay tayo ng gobyerno – ehekutibo (Presidente at buong Gabinete), lehislatura (Kongreso), at judiciary (Korte Suprema) – na ang bawat isa ay independent sa ibang mga sangay. May sarili rin itong mga kapangyarihan na ang isang layunin dapat ay upang huwag magkaroon ng absolute power ang isa laban sa isa. Mas ang layunin nito ay upang makita at maiwasto ang mga kamalian o kahinaan ng sistema, maging ang gawain ng isang sangay kabilang ang mga opisyal at empleyado nito.

Ang anumang dapat na pagmamalabis ng Ehekutibo ay makikita, maiwawasto, at kung may mga nagkamali ay may karampatang aksyon dito ang Kongreso sa pamamagitan ng paggawa ng mga batas. Subalit ang paggawa ng batas o isang aksyon ng Kongreso ay nangangailangan ng masusing pag-aaral. At bahagi ng pag-aaral ang mga imbestigasyon. Ang mga ito ang siyang magiging batayan sa anumang aksyon na gagawin nito.

Sa ginawang desisyon ng Korte Suprema na panig kay Secretary Neri na huwag sagutin ang mga tanong ng Senado ukol sa ZTE-NBN deal sa pamamagitan ng “executive privilege” nito ay hindi lang magpapahina o nagbabale-wala sa kapangyarihan ng Kongresong mag-imbestiga at gumawa ng mga resolusyon o batas. Mistulang tinapakan o hindi na rin nito kinilala ang karapatan ng publiko sa mga impormasyon ukol sa gawain ng gobyerno. Nawala ang “check and balance,” ganundin ang transparency at accountability ng mga gumawa ng hindi ayon sa batas..

Mahirap yatang maunawaan na ang Korte Suprema na siya sanang higit na nakaka-unawa sa batas, gobyerno, at karapatan ng mga mamamayan ay gagawa ng ganitong aksyon. Ito dapat ang sangay ng gobyerno na “incorruptible” o hindi papayagang masali sa korupsyon. Sana nga walang hindi kanais-nais na nangyari na siyang nagtulak sa kanila na pumanig kay Sec. Neri. Sana nga, talagang kulang lang ang mga paliwanag o ebidensya ng panig ng mga gustong malaman ang katotohan kung kaya naging ganun ang desisyon ng Korte Suprema.

Subalit, marami pa rin ang umaasang mababago ang kanilang desisyon. Sana lang, malinawan ang isip, puso, at konsensya ng ating mga mahistrado para sa kapakanan ng nakararaming Pilipino. Para sa atin ring mamamayan, hindi lang sana pagbabantay sa mga pangyayari ang gawin. Higit sa lahat, bantayan natin ang ating mga karapatang huwag tapakan o masalaula.

Philippines Development Forum, solusyunan ang mga maanomalyang “development projects”

Sa dami ng mga maanomalyang proyekto na pinasok ng gobyerno, isang seryosong atensyon at aksyon ukol dito ang kinakailangan nang magawa sa lalong madaling panahon.

Sa Marso 26 -27, 2008 ay idadaos ang Philippines Development Forum (PDF) sa Clark, Pampanga. Ang Forum na ito ay isang mekanismo diumano ng gobyerno para maidaos ang mga malamang policy dialogue sa mga stakeholders sa development agenda sa bansa. Ibig sabihin, lahat dapat ay kabilang dito, lalung lalo na ang mamamayan, hindi lang ang gobyerno, negosyante, at mga bangko. Ayon sa gobyerno, ang PDF rin daw ay magsisilbing proseso para sa pagbuo ng pagkakaisa o consensus at pagkamit ng mga commitments mula sa iba’t ibang stakeholders para sa mga nilalaman ng reform agenda ng gobyerno na dapat kritikal na aksyunan.

Hindi na kailangang tumanaw sa malayo ng mga lalahok sa nasabing forum upang alamin at gawan ng aksyon ang sinasabing reform agenda ng gobyerno. Sa mismong Clark, Pampanga, isang malaking kwestiyunableng proyekto ang mailalagay dito. Tinatayang aabot ng 80.2 kilometrong railroad project ang sinisimulan na ngayon ng North Luzon Railway Corporation (NLRC). Mula Caloocan City hanggang Clark, Pampanga ang nasabing proyekto na rehabilitasyon ng lumang linya ng Philippine National Railway sa norte. Sinasabing ang proyektong ito raw ay maghahatid ng kaunlaran sa mga lugar na dadaanan, lalung lalo na sa Pampanga.

Subalit, ang sinasabing kaunlaran ay may kapalit na pagsira sa buhay ng mga masasagasaan ng proyektong ito. Ayon mismo kay NLRC president Arsenio Bartolome III, halos 100 porsyento nang nailikas ang mga residente sa kahabaan ng 32.3 kilometrong lugar na hagip ng Phase I ng proyekto. Umaabot sa 40,000 pamilya ang pinag-uusapan dito. Subalit, ang gastos sa nasabing pagwawalis, relokasyon, at resettlement ng mga pamilyang nakatira sa lugar ay hindi pa pala kasama sa $503- million na halaga ng proyekto.

Bukod sa mga buhay na masisira nitong proyekto, may hatid ring malaking problema ito sa gobyerno at sa ating lahat. Mas mataas ang halaga ng utang ng gobyerno mula uli sa Export Import Bank of China (Eximbank of China) para sa Northrail Project kung ikukumpara sa ZTE-NBN project. $503-million ang halaga ng utang o loan para sa Northrail na pinirmahan noong 2006, samantalang $329-million ang ZTE. Sa katunayan, sinabi ni Sen. Juan Ponce Enrile sa kanyang privilege speech sa Senado noong 2005na overpriced daw ang Northrail project.

Hindi lang kwestiyonable ang proyekto dahil sa malaking utang na kaakibat nito. Kwestiyonable rin ang prosesong pinagdaanan nito

Maraming pagkakatulad sa maanomalyang ZTE-NBN deal itong Northrail project. Isa ring Executive Agreement ito ng gobyernong Pilipinas at ng gobyernong Tsina. Nalabag sa kontrata para sa Northrail project ang Republic Act 9184 ukol sa public bidding. Ayon sa University of the Philippines Law Center na gumawa ng pag-aaral sa kontrata sa pagitan ng NLRC at CNMEC, hindi diumano ito nagkaroon ng competitive bidding. Hindi rin daw ito maituturing na Executive Agreement. Maituturing na void o walang bisa diumano ang kontrata dahil hindi nito sinunod ang Government Auditing Code at ang Administrative Code of 1987 na nagsasabing dapat na suportado ng sertipiko na may alokasyon ang gobyerno mula sa Monetary Board ng Pilipinas para sa nasabing proyekto. Wala ang sertipikong ito sa nasabing kontrata.

“Done deal” na ang kontrata para sa CNMEC sa ilalim ng proyektong ito, ayon kay Sen. Enrile. Tulad sa ZTE-NBN project, hindi magpapautang ang Eximbank ng Tsina kung hindi kumpanyang Tsina rin ang makakakuha ng kontrata para sa supplies at engineering sa proyekto. Ayon kay Atty. Harry Roque, abogado ng mga mamamayang na-demolish dahil sa proyektong ito, mukha raw supply-driven ang proyekto, pabor sa Tsina, dahil sa naging kondisyon nga sa pag-apruba sa loan na ang CNMEC na pag-aari ng gobyernong Tsina ang gagawa sa proyekto.

Ilan ang mga iregularidad na nabanggit sa proyekto sa mga dahilan ng mga mamamayang tinanggalan ng kanilang tirahan at itinapon sa lugar na walang katiyakan sa maayos na serbisyo at hanapbuhay upang igiit na itigil ang maanomalyang proyekto gayundin ang pag-demolish sa kanila.

Matinding usapin lagi kapag buhay na ng mamamayan ang nalalagay sa alanganin, Sa bawat proyektong pangkaunlaran, dapat na isinasa-alang-alang rin ang mga buhay na masisira. Ang transparency sa mga transaction ay dapat tiyakin ganundin ang partisipasyon ng mamamayan, ke-mahirap o mayaman, sa prosesong pangkaunlaran dahil sila man ay partner din sa kaunlaran. Marapat na bigyan ito ng masusing pansin sa anumang reform agenda na pinag-uusapan. Higit sa lahat, dapat magkaroon o pagtibayin ang batas na nag-uutos na papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno na nakagawa o sangkot sa anumang katiwalian.

Democratic participation, transparency, at accountability. Ang mga ito ay hindi dapat nawawala sa mga anumang gawain ng gobyerno.


Related Link on North Rail project:
http://www.newsbreak.com.ph/index.php?option=com_content&task=view&id=4216&Itemid=88889064

Kailangan ng Transparency at Akses sa Impormasyon

Ang akses sa impormasyon ay karapatan ng mamamayan laluna't ang mga impormasyong ito ay makakaapekto sa kanila. Ito ay isang tanda rin ng pagkakaroon ng tunay na demokrasya sa isang bansa. Ayon nga sa panukalang House Bill 2123 o “Freedom of Information Act”, batas upang tiyakin ang akses ng publiko sa mga opisyal na rekord, dokumento, at iba pang mga impormasyon na may kinalaman sa publiko, ang gobyerno raw na walang itinatago ay hindi dapat matakot sa may nalalaman at naliwanagang mga mamamayan (“a government which has nothing to hide should not be afraid of an informed and enlightened citizenry”). Sa kasamaang palad, hindi pumasa ang panukalang batas na ito noong nagsara ang 13th Congress.

Maraming maaanomalya o kwestyunableng transaksyon ng gobyerno ang nangyayari dahil hindi transparent ang mga negosasyon o prosesong pinagdadaanan sa pag-apruba sa mga ito. Ilang halimbawa ang ZTE-National Broadband Network deal, ang North Rail project, at ang isang umiinit ngayon na diumano'y Joint Marine Seismic Undertaking sa Spratly Islands.

Hindi naging bukas sa publiko ang mga negosasyon o prosesong pinagdaanan sa pagsasara sa mga proyektong nabanggit. Kaya nagugulat na lang tayo sa malalaman nating malaking halagang sangkot rito na taumbayan rin ang magbabayad. Kadalasan ding ang mga proyektong inililingid sa kaalaman ng publiko ay iyong malaking bilang ng mamamayan ang magiging apektado tulad nang pagpapaalis sa kanila, nanganganib ang seguridad, o di kaya’y tataas ang magiging singil sa publiko upang bayaran ang kontrata para sa proyekto.

Tulad ng mga nabanggit na mga proyekto, ang planong gawing Central Business District ang North Triangle, East Triangle, Veterans Memorial Medical Center, at Ninoy Aquino Parks and Wildlife sa Quezon City ay hindi rin kinakikitaan ngayon ng transparency. Reklamo ng ilang mga komunidad na apektado doon tulad ng San Roque Community Council – North Triangle Alliance na hindi na nga sila isinama sa pagpaplano, itinatago pa sa kanila ang kung anumang inabot nang plano para sa CBD. Samantala, patuloy naman ang banta ng demolisyon sa kanilang mga nakatira sa lugar na masasakop ng proyektong Quezon City-CBD. Bukod sa mga residente, ang mga empleyado ng Veterans Memorial Medical Center ay nakatanggap noong ikalawang linggo ng Marso ng isang 90-day notice na kailangan na nilang lisanin ang lugar. Ang masama, walang malinaw na compensation package sa kanila at pinapaalis na sila.

Kahit ilang mga miyembro ng Claret Urban Poor Apostolate ay nagsasabing mahahagip rin daw ng planong QC-CBD ang ilang mga naninirahan sa CP Garcia street sa UP Diliman at maging ilang bahagi ng Philcoa. Hanggang haka-haka at espekulasyon na lang sa ngayon ang nagagawa ng mga residente sa nabanggit na mga lugar na masasakop ng QC-CBD dahil hindi nila batid ang buong plano rito. Maging pala ang ilang Konsehal ng Lungsod ng Quezon at Kagawad sa Barangay ng San Roque ay hindi rin nakita ang plano sa CBD. Kaya bukod pa sa mapanatili sila sa lugar, ang iginigiit ngayon ng mga apektadong mamamayan ay magkaroon sila ng akses sa impormasyon tulad ng planong CBD ganun din ang pag-aaral na ginawa ng World Bank ukol dito. Dapat rin daw magsagawa ng konsultasyon sa mga apektadong residente at empleyado ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ganundin ang Ultra Triangle Development Commission (Tri-Dev Commission) na siyang nagbubuo at magpapatupad ng masterplan para sa QC-CBD.

Ang mga planong pang-kaunlaran ay laging sinasabing para sa taumbayan. Ang mga nakatira sa mga lugar na sinasabing papaunlarin ay mga tao rin, mga mamamayang makakatuwang rin dapat sa kaunlaran. Dahil realidad na sa bansa na malaking porsyento ng populasyon ay mga naghihirap na pamilya laluna sa Kamaynilaan, kaya sa halip na paalisin sila sa kanilang mga kinatitirikan at dalhin sa malalayong lugar na walang tiyak na serbisyo at mapagkakakitaan, dapat na kasama sila sa isinasagawang pagpapaunlad sa lugar. Dapat tingnan rin paano sila uunlad at maging aktibong kabahagi sa kaunlaran.